Si Patrick Garcia ang pumasok sa isip namin habang nanonood kami ng Prinsipe Munti, adaptasyon sa Filipino ng world-famous na The Little Prince ni Antoine de St. Exupery, sa Little Theater ng Cultural Center of the Philippines.
Kung kailangan ng isang adult actor na gaganap bilang paslit na prinsipe, bagay na bagay si Patrick sa papel na ‘yon. Kahit kasi dalawang beses nang naging binatang ama si Patrick, mukha pa rin siyang 14 years old. At hindi naman siya matangkad, kaya bagay talaga siya sa papel na Prinsipe Munti.
Pero kahit na pumasok sa isip namin si Patrick, hindi naman ibig sabihin niyon ‘di kami na-engross at nasiyahan sa performance ng batang si Mycko Laurente noong gala opening night ng palabas na ‘yon ng Tanghalang Pilipino. Actually, siya ang pangunahing dahilan kaya gusto naming mapanood ang Prinsipe Munti. Husay na husay kasi kami sa kanya noong una namin siyang napanood sa Kleptomaniac na ang Tanghalang Pilipino rin ang nagpalabas sa Little Theater. Hindi man siya kasing guwapo ni Patrick, magkasing-husay sila noong totoy na totoy pa talaga ang aktor na lumaking mambubuntis at binatang ama.
Puwedeng-puwede sa mga bata ang Prinsipe Munti pero ‘di talaga ito pambata. Adult actors nga ang gumaganap dito, maliban kay Mycko. At malamang na karamihan sa mga nagbasa nito ay adults na malamang ay naaalala pa ang pinakapamosong linya sa aklat: “It is only with the heart that one can see. What is essential is invisible to the eyes.”
Panoorin n’yo ang Prinsipe Munti para malaman n’yo kung paano ito isinalin sa Filipino at kung kaninong bibig ito ipinasalita. Sa orihinal na kuwento ay sa isang fox. Pero walang fox sa Pilipinas, kaya hulaan n’yo ang ipinalit sa Prinsipe Munti.
Samantala, ipanalangin natin na sana ay huwag lumaki si Mycko na mambubuntis din na gaya ni Patrick. Huwag din sana siyang lumaking beki na laging sabik sa lalaki!
Danny Vibas