UMAPELA ng tulong ang ilang lokal na pamahalaan sa Eastern Samar makaraan salantain ng Bagyong Ruby.
Bukod sa walang suplay ng koryente at may mga nasirang impraestruktura, paubos na ang suplay ng pagkain para sa libo-libong residente na naapektohan ng bagyo.
“Sobrang laki po ng damage rito, halos lahat ng kabahayan namin ay apektado,” pahayag ni Mayor Marian June Libanan ng bayan ng Taft.
Nasa 3,200 aniya ang evacuees nila o katumbas nang mahigit 1,000 pamilya.
“Kailangan po talaga namin ng food supply, mauubusan na po kami rito,” apela ni Libanan.
Sa bayan ng Quinapondan, binanggit ni Mayor Nedito Campo na minimal ang epekto ng Bagyong Ruby kompara sa Bagyong Yolanda noong isang taon, ngunit may mga nasirang gusali at bahay.
Nasa 13,000 residente aniya ang inilikas mula sa flood at landslide-prone areas.
“Kung suplay ng pagkain ang pag-uusapan, mukhang wala na kaming pagkain dito (na mabili) sa mga tindahan,” pahayag ni Campo.
Tulad nina Mayor Libanan at Campo, sinabi rin ni Jipapad Mayor Delia Monleon, kulang na sila sa pagkain at wala pa rin suplay mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Walang koryente, problema rin ang pagkain, nagbaha sa amin,” kwento ni Monleon.
Habang pahayag ng DSWD, patungo na sa mga bayan sa Eastern Samar ang mga trak na may kargang relief goods.