RUMAGASA ang putik, buhangin at bato mula sa paanan ng Bulkang Mayon sa Brgy. Maipon, Guinobatan, Albay Linggo ng madaling araw dahil sa bagsik ng Bagyong Ruby.
Tiniyak ni Phivolcs resident volcanologist Ed Laguerta na mababa ang panganib na dala ng naturang lahar na maituturing na malabnaw pa lamang.
“Pero ngayon ‘yung malabnaw na lahar na nangyayari d’yan sa Maipon channel, channel-confined lang. Wala masyado itong threat sa community at lalo na ngayon na pabugso-bugso lamang ang ulan… Hindi pa ‘yun ‘yung pinangangambahan ng Phivolcs kaya nagpadala ng lahar advisory,” paliwanag ni Laguerta.
Nakatutok ang ahensya sa kasagsagan ng ulan at hanging dala ng Bagyong Ruby sa Albay.
Batay sa lahar advisory ng Phivolcs, kasama sa mga banta ng makapal na mud flow ang pag-apaw nito, pagkakabaon ng mga bahay at washout.
Nahaharap sa posibleng mudflow ang mga sumusunod na mababang lugar sa probinsya ng Albay: Masarawag at Maninila sa Guinobatan; Buyuan-Padang at Mabinit sa Legaspi City; Lidong at Basud sa Sto. Domingo; Niisi at Anoling sa Daraga; at Nabunton sa Ligao.