UMABOT na sa pito ang bilang ng mga napaulat na namatay habang nananalasa ang bagyong Ruby sa Filipinas.
Kabilang dito ang apat katao sa lalawigan ng Iloilo.
Sa Brgy. Bayas, sa bayan ng Estancia , kinompirma ni Errol Acosta ang municipal budget officer, ang pagkamatay ni Ernesto Baylon, 65, dahil sa lamig dulot ng bagyo na posibleng nakadagdag sa iniindang sakit. Habang isa rin ang patay nang malunod.
Sa bayan ng Balasan, patay rin ang isang taon gulang sanggol babae na si Thea Rojo habang nasa evacuation center nang lagnatin at hindi nakayanan ang lamig.
Sa Ajuy, kinompirma ni Mayor Juancho Alvarez, namatay ang 72-anyos matanda sa Brgy. Sto. Rosario dahil sa takot sa bagyo.
Sa kabilang dako, patay rin ang isang evacuee na kinilalang si Enrique Trinidad, ng Brgy. Dayao, Roxas City, may sakit na cancer, habang naghahanda ng mga gamit na dadalhin sana evacuation center kamakalawa ng gabi.
Samantala, patay ang isang matanda nang atakehin habang nag-aayos ng kanilang bahay habang nagsisimulang humagupit ang bagyo sa Brgy. San Francisco, Canaman, Camarines Sur.
Samantala, kinompirma din ni SPO1 Sem Acaso ng Cabadbaran Police Station ang pagkamatay ni Omar Lumendas, 38, natabunan nang nag-collapse tunnel sa Sitio Seron, Brgy. Del Pilar, Cabadbaran City, Agusan del Norte.