UMABOT na sa 716,639 katao o 146,875 pamilya ang naitalang apektado ng Bagyong Ruby mula sa pitong rehiyon sa bansa.
Ayon sa latest na datos ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), ang nasabing evacuees ay naitala sa mga rehiyon gaya ng region 4A, 4B, 5,6,7 at Caraga.
Sinabi ni NDRRMC spokesperson Ms. Mina Marasigan, ang mga nagsilikas na pamilya ay bunsod sa ipinatupad na preemptive evacuation ng mga pamahalaang lokal.
Dagdag ni Marasigan, nasa 2,459 pasahero sa iba’t ibang pantalan, 89 barko, 689 rolling cargoes, tatlong motorbanca ang kasalukuyang stranded dahil kay ‘Ruby.’
Nakapagtala rin ng power outages o walang koryente sa Region 4A, 5,8, Quezon,Iloilo, Northern Samar, Leyte at Southern Leyte.
Sa panig ng Department of Social Welfare and Development Office (DSWD), nasa 99,503 pamilya ang sinisilbihan ng ahensiya sa 1,290 itinalagang evacuation centers.
Habang mayroong 368,380 family food packs ang kasalukuyang available sa DSWD field offices.
43 lugar binalaan sa bagyo
MAKARAAN sa Eastern Samar, sa Masbate sunod na nag-landfall ang Bagyong Ruby.
Ayon sa PAGASA, partikular na tumama ang bagyo sa bahagi ng bayan ng Cataingan sa pagitan ng 8 a.m. 9 a.m. Linggo ng umaga. Huling namataan si Ruby sa layong 20 kilometro silangan ng naturang bayan.
Bahagya pang humina ang bagyo taglay na ngayon ang lakas ng hanging umaabot sa 140 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 170 kph.
Kumikilos ito pakanluran hilagang-kanluran sa bilis na 15 kph.
Nakataas ang signal no. 3 sa Masbate, Ticao Island, Sorsogon, Albay kasama ang Burias Island, Romblon, Northern Samar, at Samar.
Habang signal no.2 sa Catanduanes, Camarines Sur, Camarines Norte, Southern Quezon, Batangas kasama ang Lubang Island, Cavite, Laguna, Marinduque, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Aklan, Capiz, Northern Cebu kasama ang Cebu City, Bantayan Island, Eastern Samar, Biliran, Leyte, at Southern Leyte.
Nakataas sa signal no.1 ang natitirang bahagi ng Quezon, Rizal, Pampanga, Bulacan, Nueva Ecija, Zambales, Bataan, Northern Palawan, Metro Manila, Antique, Iloilo, natitirang bahagi ng Cebu, Bohol, Dinagat Province, at Siargao Island,
Posibleng sunod na mag-landfall ang Bagyong Ruby sa Sibuyan Island, Romblon sa pagitan ng 8 p.m. 9 p.m. ng Linggo.
Diane Yap