ANIM na mga paliparan sa Bicol at Eastern Samar ang isinara kahapon dahil sa bagyong Ruby.
Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Rodante Joya, ipinasara ang domestic airports sa Calbayog, Catarman, at Tacloban sa Visaya, at Legazpi, Naga, at Masbate sa Bicol.
Marami aniya sa mga ekipahe kagaya ng fire trucks ang nailipat na sa ligtas na lugar habang ang communication equipments ay tinakpan nang maayos upang hindi masira.
Agad magsasagawa ng inspeksiyon pagkalipas ng bagyo bago buksang muli ang operasyon.
126 FLIGHTS KANSELADO
UMABOT sa 126 biyahe ng eroplano ang nakansela bunsod ng pananalasa ng bagyong ruby.
Ang Philippine Airlines ay kinansela ang lahat ng biyahe mula Maynila patungong Tacloban, Legazpi, Naga, Catarman, Calbayog, Surigao at Masbate vice versa.
Habang ang Cebu Pacific ay kinansela ang mga biyahe mula Maynila patungong Butuan, Cagayan de Oro, Caticlan, Dipolog, Legazpi, Ozamiz, Pagadian, Siargao, Surigao, Roxas City, Tagbilaran at vice versa.
Kanselado rin ang Cebu Pacific flights mula Cebu patungong Butuan, Cagayan de Oro, Camiguin, Caticlan, Dipolog, Legazpi, Ozamiz, Pagadian, Siargao, Surigao at Tacloban maging ang mula sa Davao patungong Cagayan de Oro.
(GLORIA GALUNO)