INAASAHANG anim beses magla-landfall ang bagyong Ruby.
Ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Sec. Mario Montejo, inaasahan ang sunod-sunod na landfall ng nasabing bagyo.
Tinaya itong tatama sa kalupaan ng Borongan, Samar dakong 2 a.m. hanggang 4 p.m. kahapon (Sabado).
Maaapektohan nito ang Northern Samar, Eastern Samar at Samar.
Sunod na landfall ay dakong 2 p.m. hanggang 4 p.m. ngayong Linggo sa Masbate habang 8 p.m. hanggang 10 p.m. maaasahan ang landfall sa Sibuyan Island.
Sa Lunes, inaasahang dadaan din ang bagyo sa Romblon ng dakong 2 a.m. hanggang 4 a.m.
Sa pagitan ng 11 a.m. 1 p.m. posibleng mag-landfall sa Mindoro.
Maaapektohan nito ang Occidental at Oriental Mindoro habang papalabas ng Philippine Area of Responsibility.
Bahagyang humina ang Bagyong Ruby sa 185 kilometro kada oras (kph) na may pagbugsong aabot ng 220 kph.
Bumilis ito sa 13 kph mula sa naunang 10 kph sa monitoring ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) dakong 6 a.m.
Huling namataan ang bagyo 180 kilometro silangan, hilagang-silangan ng Borongan Samar.