MAAARING humagupit sa Metro Manila ang sentro ng bagyong si Ruby, taliwas sa pagtaya ng PAGASA.
Ayon sa Joint Typhoon Warning Center (JTWC) ng US Navy, maaaring sa gabi ng Martes o Miyerkoles ng madaling araw tatama ang sentro ng bagyo sa Metro Manila.
Sa pagtaya ng JTWC, sa Samar pa rin magla-landfall ang bagyo sa araw ng Sabado, tatahakin ang Bicol Region sa Lunes at didiretso ng Metro Manila sa Miyerkoles.
Naiba rin ang pagtaya ng JTWC sa lakas ng bagyo na ngayon ay umaabot na anila sa 287 kilometro bawat oras habang may pagbugso na hanggang sa 351 kilometro bawat oras.
Sa pagtaya ng PAGASA, taglay pa lamang ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 215 kilometro bawat oras habang may pagbugsong hangin na aabot sa 250 kilometro bawat oras.
Ayon sa PAGASA, tatama ang sentro ng bagyong Ruby sa Eastern Samar sa Sabado ng gabi, babaybayin ang karagatan sa hilagang bahagi ng Panay island at didiretso ng Masbate.
Ang ibang international weather agencies tulad ng Japan, Taiwan, Hong Kong, South Korea at China ay halos pareho sa PAGASA ang pagtataya na hindi na daraan sa Metro Manila ang sentro ng bagyo.
MM naghahanda kay Ruby
NAGHAHANDA na rin ang Metro Manila para sa inaasahang epekto ng Bagyong Ruby.
Sa taya ng PAGASA, sa Linggo posibleng maramdaman sa Metro Manila ang epekto ng bagyo.
Ayon kay Interior ang Local Government Secretary Mar Roxas, posibleng magdulot si Ruby nang lagpas tuhod na baha Metro Manila.
Dagdag niya, 70 barangay sa Metro Manila ang direktang maaapektohan sakaling bumuhos na ang ulan dala ng bagyo.
Dahil dito, inalerto na ang lahat ng mga alkalde.
Sa press conference ng Metropolitan Manila Development (MMDA), ipinalilinaw ni Chairperson Francis Tolentino sa PAGASA kung tatamaan ba ng bagyo ang Metro Manila katulad ng pagtaya ng foreign weather forecasting centers.
Sinabi ni Quezon City Mayor Herbert Bautista, bagama’t nasa “warning stage” pa lamang ang lungsod, may mga nakakasa nang plano katulad ng paglilikas sa mga maaapektohang residente.
Hindi rin inaalis ni Bautista ang posibilidad ng pagpapatupad ng pwersahang paglilikas sa mga residenteng malapit sa ilog at mabababang lugar.