“HINARANA” ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga mamamahayag at kanilang mga pamilya sa ginanap na Malacañang Press Corps Christmas Party kamakalawa ng gabi sa Palasyo.
Kabilang sa mga inawit ng Pangulo ang Roar at Fireworks na pinasikat ni Katty Perry, Rolling in the Deep ni Adele at Para sa Akin ni Sitti Navarro.
Kilalang music lover si Pangulong Aquino at inamin niya sa Annual Bulong Pulungan Christmas Party and Forum sa Sofitel Philippine Plaza kahapon na naging mas mahalaga ang musika sa kanya nang siya’y maging Punong Ehekutibo.
Aniya, kursunada niya ang jazz at religious music upang maging kalmado.
“ ‘Yung, kunwari, the Great American Songbook, ‘yung jazz standards at night to calm down; or sometimes religious songs when you really need to calm down,” sabi niya.
Kung nais niyang maging masigla at malakas ay rock at dance music ang kanyang pinakikinggan.
“Sometimes naman you need to be filled with energy so it becomes either rock or some dance music,” dagdag niya.
Classical music ang hilig niya kapag gustong pansamantalang takasan ang mga problema.
Hindi kasama sa bokabularyo ng Punong Ehekutibo ang rap music at wala rin siyang paliwanag kung bakit ayaw niya ito.
“Sometimes, you need something really different to take your mind off things, so it becomes classical, except rap. I still don’t like rap with all due apologies,” kwento niya.
Hangga’t maaari aniya ay iniiwasan ng Pangulong “Soltero” ang love songs.
Matatandaan, noong 2011 ay ibinuko ni Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr., na ang Pangulo ay mistulang sound technician na eksperto sa musika at ang silid niya ay puno ng compact discs (CDs).
(ROSE NOVENARIO)