ni Beth Cacas
Pasok ang pelikulang “Gemini” sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2014 na gaganapin mula Dec. 17 hanggang Dec. 24 sa Glorietta 4 at SM Megamall.
Ang Gemini ay isa sa limang indie films sa New Wave Section na napili ng Metro Manila Development Authority (MMDA), tagapangasiwa ng MMFF, na maipalabas sa mga pangunahing sinehan batay sa husay, presentasyon at istorya nito.
Ang apat pang napili sa New Wave category ay ang Bagwa, Magkakabaong, Maratabat at M.
Ang Gemini ay pinagbibidahan ng kambal na sina Sheena at Brigitte McBride na pumasa sa ibinigay na audition ng grupo ni Direktor Ato Bautista. Kasama nila McBride sa pangunahing role si Mon Confiado at Lance Raymundo..
Ang pelikula ay isang psycho thriller na umiikot sa madilim at nakakatakot na nakaraan sa buhay ng kambal.
Sa una palang nilang pagganap ay kinakitaan na ng galling sa pag-arte ang McBride sisters matapos silang dumaan sa workshop ng Star Magic.
“Talaga pong pinaghusayan at pinaghandaan namin ang pagganap sa aming roles dahil isang malaking hamon sa amin ito,” aniya ng magkapatid.
Ang 21 taong gulang na Brigitte at Sheena ay nagtapos sa St. Benilde College ng De La Salle University, Manila. Graduate ng kurso sa Diplomatic Affairs si Brigitte, habang si Sheena ay nagtapos ng Hotel and Restaurant Management.
”Gusto naming subukan ang pag-arte kaya nag-audition kami sa Star Magic,” aniya nila na dating athletes sa kanilang eskwelahan.
Ang Gemini ay isa sa obra maestra ni Direk Ato Baiutista na siya ring gumawa ng pelikulang ”Cinco” at “Exchange.” Ito ay sinulat ni Bautista at Shugo Praico. Si Rafael Salvador ang executive producer ng pelikula.
Binigyan ni MMDA Chairman Francis Tolentino ng parangal ang mga napiling pelikula sa MIFF nitong Nob. 25 sa Resorts World sa Paranaque.