ni Pilar Mateo
FORGIVE them father…
Lumipad pa-Amerika noong Martes ng gabi ang mag-inang Arjo Atayde at Sylvia Sanchez para dumalo sa blessing ng union nina Aiza Seguerra at Liza Diño sa California, USA sa December 8, 2014 na ang Ninong eh, ang ama ni Arjo na si Art.
Pero bago lumipad ang mag-ina, excited naman si Arjo nang malaman nitong ang istoryang bibigyang-buhay niya sa role bilang isang pari ang itatampok na episode ngayong Sabado, December 6, 2014 sa MMK (Maalaala Mo Kaya).
Naiibang love story ang matutunghayan sa longest drama anthology na ang isang pari eh, umibig sa isang madre (na gagampanan naman ni Yen Santos).
Ano ang naghihintay sa pag-iibigang sinasabing itinakda ng tadhana?
Nagsimula ang pagkakaibigan ng dalawa nang himukin ni Sis. Joanna si Fr. Francis na makiisa sa isang non-government organization na tumutulong sa mga militanteng grupo. Mula sa pagiging simpleng magkakakilala na sabay nagmamartsa sa Mendiola, naging mas malapit sina Fr. Francis at Sis. Joanna dahil sa maraming bagay na pinag-uusapan nila gaya ng kanilang piniling bokasyon, ang pagnanais na makatulong at makapagsilbi sa kanilang kapwa, at ang kanilang personal na buhay.
Dahil sa labis na saya na dulot ng madalas nilang pag-uusap at pagsasama, umusbong sa sa kanila ang isang espesyal na pag-ibig—isang damdaming nagtulak kay Sis. Joanna na iwan ang bokasyon upang iligtas ang kanyang minamahal sa posibleng pagbitaw sa kanyang pagpapari.
Anong matinding pagsubok ang kanilang daraanan sa sandaling malaman ni Fr. Francis ang sakripisyong ginawa ni Sis. Joanna? Paano magagawa ng kanilang pag-ibig na higit pang mapalalim ang kanilang relasyon sa Panginoon?
Panoorin ang episode ns matutunghayan din sina Gio Alvarez, Jopay Paguia, Abby Bautista, Minco Fabregas, Aleck Bovic, Melissa Mendez, Jerry O’Hara, Peewee O’Hara, Bodjie Pascua, Rubi Rubi, at Dale Badillo. Ito ay sa ilalim ng direksiyon ni Elfren Vibar at panulat nina Joan Habana at Arah Jell Badayos.
Ang MMK ay pinamumunuan ng business unit head nito na si Malou Santos at creative manager na si Mel Mendoza-Del Rosario.
Sa loob ng 23 taon, bahagi na ng bawat pamilyang Filipino saan man sa mundo ang Maalaala Mo Kaya na bawat Sabado ay nagpapaluha, nagpapangiti, at nagbibigay-inspirasyon sa TV viewers sa pamamagitan ng mga totoong kuwentong buhay na ibinabahagi ng letter-senders ng programa.
Sino nga ba ang naging peg ni Arjo sa karakter na kanyang ginampanan?
Isang spiritual adviser pala ng kanilang pamilya ang naging ehemplo ni Arjo para sa karakter niya bilang isang pari.