NAGLAMAY ang grupo ng mga taga-Lungsod ng Maynila na Movements Against Corruption (MAC) sa harap ng Korte Suprema para ipakita ang kanilang pagkadesmaya sa Supreme Court sa patuloy na hindi pagtugon sa kanilang panawagan na desisyonan na ang disqualification case laban sa napatalsik na Pangulo at convicted plunderer na si Manila Mayor Joseph Estrada.
Ang grupo ay nagkilos-protesta sa harap ng Korte Suprema na may dalang kabaong habang suot ang belong itim sa kababaihan at may itim na arm band ang kalalakihan habang may hawak na mga kandila na mistulang may pinaglalamayan sa harap ng Kataas-taasang Hukuman. Ayon kay Leah Dimasilang, Secretary General ng grupong MAC, ang kanilang pagkilos ay dulot na rin ng kanilang kalungkutan dahil sa patuloy na pagbalewala ng Supreme Court sa panawagan ng mga taga-Maynila na linawin ang nasabing usapin na halos dalawang taon nang pinaglalamayan sa Korte Suprema. Umapela ang grupo ng MAC kay Associate Justice Mario Victor “Marvicf” Leonen, may hawak ng kaso, maging kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, na huwag na nilang paabutin pa sa susunod na taon ang pagdedesisyon sa kaso ni Estrada.
Bong Son