TACLOBAN CITY – Kabado ang ilang Yolanda survivors sa Tacloban City dahil sa paparating na bagyong Ruby.
Una rito, may ilang mga pribadong kolehiyo na ang nagkansela ng klase simula kahapon bagama’t nasa labas pa ng teritoryo ng Filipinas ang panibagong bagyo na maaaring maging supertyphoon.
Nabatid na isa ang Saint Scholastica’s College of Health Sciences na may campus sa Palo, Leyte ang nagkansela ng pasok.
Samantala, ilang klase rin sa pribadong paaralan sa Guiuan at Salcedo sa Eastern Samar ang kinansela na ang klase.
Nagsimula na rin magligpit o maghanda ng mga gamit ang ilang mga empleyado ng mga opisina ng gobyerno gaya ng Department of Labor and Employment at bulwagan ng katarungan na kapwa malapit sa dagat.
Nagsagawa na rin ng meeting ang mga opisyal ng Tacloban City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) upang paghandaan ang paparating na bagyo.