DALAWANG BESES SIYANG NAGPUNTA KINA DADAY, PERO BIGO SILANG MAGKITA
Ilang saglit pa at dumating na si Jepoy na kumuha ng taksi na kanyang sasakyan sa pagparoon sa inuuwiang bahay ng pamilya ni Daday. Nakalalakad na siya pero may bago na siyang tungkod na yari sa aluminyo kaya mas matatag ang mga paghakbang niya. Iyon ang ipinabili niya kay Aling Goring sa isang tinda-hang nagsusuplay ng mga gamit at aparatong pang-ospital.
“Pag-alis ko, kayo naman po ni Jepoy ay maghanap-hanap ng apartment na matitirhan natin,” ang bilin niya kay Aling Goring.
“M-mag-ingat ka sana… a-anak,” sabi ng matandang babae na maluha-luhang yumakap sa kanya.
Ang yakap at katagang “anak” ng matandang babae ay kaligayahang tumagos hanggang sa kaibuturan ng puso ni Rox. Sabik siya sa isang ina. Kahit sa isang maigsing panahon ay nagkaroon siya ng isang nagmamahal na ina. Pinigil niya ang maiyak sa tuwa pero namasa-masa rin ng luha ang kanyang mga mata.
Looban ang bagong tirahan na nilipatan ng ina at mga kapatid ni Daday. Kabisado ni Rox ang pasikot-sikot ng lugar kaya madali niyang natunton ang pamilya nito. Pero hindi niya nakaharap ito sa unang pagpunta roon. Katuwiran ng nanay ng ka-live-in niya: “Umalis si Daday, e… ‘Di ko alam kung kelan babalik.”
Nanlata siya at biglang nanlamig ang buo niyang katawan. Para siyang lalagnatin. Iniwan na lang niya sa nanay ni Daday ang numero ng kanyang bagong biling cellphone.
“Pakisabi po kay Daday na kontakin agad ako…” pakisuyo niya sa ina ng babaing pinakamamahal.
Walang natanggap na tawag o text si Rox kay Daday sa buong maghapon hanggang sa maghating-gabi. Ikinalungkot niya iyon. Ikinalito rin ng kanyang isipan. At nakatulog siya na parang may mabigat na bagay na nakadagan sa dibdib niya.
Kinabukasan ay inagahan niya ang pagpunta sa bahay nina Daday.
“Maaga siyang umalis, e…” pagsasabi kay Rox ng nanay ni Daday na sumilip lang sa pintuan na bahagya lang iniawang.
“S-saan po nagpunta?” tanong niya.
“Hindi ko alam, Rox… Pasensiya na,” panghihingi ng paumanhin ng nanay ni Daday na muling nagsara sa pintuan. (Itutuloy)
ni Rey Atalia