TULUYANG TINUPOK NG APOY ANG KANILANG BAHAY MABUTI’T NAILIGTAS NIYA SI NANAY MONANG
Tuyong-tuyo pa naman ang mga pa-wid at sawaling dingding ng aming tirahan kaya mabilis na lumaganap ang apoy.
“Sunooog! Tulungan n’yo kami!” ang paulit-ulit kong isinigaw nang pagkalakas-lakas.
Pero isa man sa aming mga kapitbahay ay walang sumaklolo sa aming mag-ina. Masyado nga kasing magkakalayo ang mga bahay ng mga magkakapitbahay sa aming komunidad. Naisip kong baka nasa kasarapan ng tulog ang lahat nang mga oras na iyon. O kaya ay tinangay lamang ng hangin ang palahaw kong mga pagsigaw-sigaw.
Sagsag kong tinungo si Nanay Monang sa kanyang silid. Dinadalahit siya ng ubo nang datnan kong nagsisikap makabangon sa higaan niyang papag. Dinaluhan ko siya roon. Umakbay siya sa aking balikat sa pagtayo. Magaan na ang timbang niya sa pa-ngangayayat kaya binuhat ko na lamang siya. Pinangko ko siya ng dalawang bisig at patakbo akong lumabas sa loob ng aming kabahayan.
Sa isang ligtas na lugar ko dinala si Na-nay Monang. Nang lingunin ko ay nasaksihan ko ang paglamon ng nagngangalit na apoy sa aming bahay.Pagkalipas lamang ng ilang minuto ay natupok na ang buong kayarian niyon. At dahan-dahang nabuwal ang apat na haligi ng aming gapok nang tirahan.
Napabaling ang tingin ko kay Inay nang dalahitin siya ng ubo. At gayon na lamang ang pagkagimbal ko nang lumura siya ng kimpal-kimpal na buong dugo. Malubha na pala ang sakit niya sa baga. Nagbalik sa aking gunita ang tagpong iyon: Pag-uwi ko sa aming bahay ay dinatnan kong mahim-bing pa ang tulog niya. Noon ko siya napagmasdang mabuti. Noon ko rin napansin ang bahid ng dugo na natuyo sa sulok ng kanyang bibig.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia