KAHIT tapos na ang pagiging coach ni Boyet Fernandez sa San Beda College, sinuportahan pa rin niya ang Red Lions sa pagiging kampeon nila sa Philippine Collegiate Champions League.
Nagkampeon ang SBC sa torneo pagkatapos na walisin nito ang De La Salle University sa best-of-three finals sa pamamagitan ng 73-66 panalo sa Game 2 noong Lunes sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ang San Beda ay ang ikalawang paaralan mula sa NCAA na nagkampeon sa PCCL pagkatapos na unang nagwagi ang San Sebastian College noong 2011.
Kamakailan lang ay nagkampeon ang Red Lions sa NCAA sa ika-limang sunod na taon.
Ang assistant coach ni Fernandez na si Adonis Tierra ang humawak sa SBC sa torneo.
Katunayan, nang napili si Tierra bilang Best Coach ng PCCL ay ibinigay niya ang kanyang tropeo kay Fernandez ngunit iginiit niya na dapat ding purihin si Tierra dahil sa mahusay niyang paggabay sa Red Lions.
“I give credit to coach Adonis. He did a good job,” wika ni Fernandez. “I still believed that he knew what to do and he deserves it. I’m proud of him.”
Dahil parehong nasa NLEX na sina Fernandez at Tierra ay papalitan sila ni Jamike Jarin simula sa Enero ng susunod na taon.
“I know coach Jamike has good credentials and he deserves to be the new coach. I will still be behind San Beda all the way,” ani Fernandez. “I’m just happy with the way the management supported me in San Beda and now with NLEX. We’re one happy family and now, we will fully concentrate on NLEX.” (James Ty III)