INARESTO ng mga awtoridad ang tatlong babaeng bilanggo sa Bulacan Provincial Jail sa Capitol Compound, Malolos City makaraan makompiskahan ng shabu sa buy-bust operation sa loob ng piitan kamakalawa ng gabi.
Ang mga naaresto na pawang nahaharap sa iba’t ibang kaso ng illegal drugs na kasalukuyang dinidinig sa Regional Trial Court ng lalawigang ito, ay kinilalang sina Teresa Martin, Edna Sampang, at Nenita Polintan, pawang mga residente ng Bulacan.
Ayon sa Malolos PNP, nakatanggap sila ng impormasyon na may nagaganp na bentahan ng shabu sa loob ng nasabing piitan.
Bunsod nito, nagpanggap na preso ang isang babaeng pulis at bumili ng shabu sa mga suspek na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.
Nakompiska mula sa mga suspek ang tatlong plastic sachet ng shabu, drug paraphernalia at P1,000 marked money.
Iniimbestigahan ng pulisya kung paano naipuslit sa kulungan ang illegal na droga gayong todo-bantay ang mga gwardiya ng BJMP.
Daisy Medina