DINAGSA ang Department of Trade and Industry (DTI) ng reklamo ng mga galit na subscriber ng Smart Telecommunications kaugnay sa umano’y palpak at hindi katanggap-tanggap na gimmick ng naturang kompanya.
Ayon sa isang opisyal ng DTI na tumangging magpabanggit ng pangalan, patuloy na dumarami ang natatanggap nilang reklamo ng Smart subscribers sa umano’y mistulang mapanlinlang na promotional gimmick ng kompanya gaya ng libreng access sa internet.
Konsumido umano ang mga subscriber na naunsiyami sa ipinakalat na anunsiyo ng naturang kompanya para sa kanilang mga subscriber.
Magugunita na mismong si PLDT Chairman Manny V. Pangilinan pa ang nag-anunsiyo sa libreng access sa internet ng mga prepaid subscribers ng Smart, Talk N’Text at Sun Cellular na nagsimula noon pang Setyembre 26 at magtatagal hanggang Enero 5 ng susunod na taon.
Nakasaad sa anunsiyo na makagagamit ng 30MB data kada araw na libreng internet ang mga subscriber na ang kailangan lamang ay may load na hindi bababa sa P1.
Ang kailangan lamang, ayon sa anunsiyo ay mag-register kada araw at i-sent lang ang FREE sa 999 at makatatanggap ang subscriber ng kompirmasyon.
Bagama’t limitado lang sa website at apps ang promo ng Smart, marami ang mga nagrereklamo na hindi halos magamit ang libreng internet dahil bukod sa sobrang hina ay halos wala na rin masagap na signal.
Kabilang sa pinakahuling nagreklamo sa DTI hinggil sa mabagal na koneksyon sina John ng San Joaquin (ref. no. 585730933), Nick ng Maybunga (585737228), Paul ng Sagap (585757698), Marvin ng Sta. Rosa (585764688) at Justin ng Pinagbuhatan (585855664), pawang ng Pasig City.
Kaugnay nito, sinabi ni Atty. Ramon Nolasco, Jr., officer-in-charge ng Consumer Protection Division ng DTI, na ipinauubaya na nila sa National Telecommunications Communication ang pag-aksyon sa reklamo ng mga subscriber ng Smart dahil mas nakatuon ang kanilang atensyon sa kalidad ng mga produkto at hindi sa iba’t ibang promo o serbisyo na iniaalok ng mga ito.