IBANG klase talaga ang Philippine Stagers Foundation na pinamumunuan ni Direk Vince Tañada dahil napuno nila ang Araneta Coliseum sa ginanap na anniversary concert nila last Nov. 24. Pinamagatan itong Stagers Live at The Big Dome na isinulat at idinirek din ni Atty. Vince.
Sa totoo lang, hindi ko ta-laga ine-expect na kaya pala ng PSF na punuin ang Big Dome. Kaya, gumawa na naman ng record sa puntong ito ang PSF bilang tanging theater group sa Pilipinas na napuno ang Araneta Coliseum sa isang concert.
Sinabi kong gumawa na naman ng record dahil last year ay gumawa rin ng record ang PSF sa kanilang highly successful na pagpapalabas ng Bonifacio, Isang Zarzuela nang magkaroon ito ng higit 400 na pagtatanghal na napanood ng lagpas half a million audience sa buong bansa, na karamihan ay mga mag-aaral at guro.
Hindi ko alam kung mayroong theater group o theatre company na kayang pantayan man lang ang achievement na ito ng PSF. Kaya sobrang saludo ako kay Direk Vonce at sa PSF.
Ang masasabi ko lang, astig ka talaga Direk Vince! Puwede mo talagang sabihin na, “Sa kanila na ang Cultural Center of the Phillipppines, sa akin ang Araneta Coliseum!”
Tama nga ang sinabi ni katotong Robert Silverio na hindi basta-basta napupuno ang Araneta sa ganitong mga concerts. Kabilang sa mga nakagawa nito ay sina Vice Ganda, Daniel Padilla, Ai Ai dela Alas, Gary Valenciano at iba pang mga sikat na performer.
After Araneta, ang next target ni Direk Vince ay ang MOA SMX naman!
Na-touch naman ako sa si-nabi ni Direk Vince na nag-iyakan sa backstage ang mga Stagers nang makita nila kung gaano karami ang mga taong gustong masaksihan ang isang mahalagang event sa PSF. Para naman sa akin, ang attitude na ito ng mga miyembro ng PSF ay patunay lang kung gaano nila kamahal ang kanilang propesyon at kung gaano nila pinahahalagahan ang kanilang ginagawang pagtatanghal.
Actually, kahit nagkaproblema sa sound stystem noong simula ng concert, talagang mga performer ang PSF dahil patuloy pa rin sila sa paghataw sa kanilang mga nakaka-aliw na production numbers.
Makikita talaga ang talent at paghahanda ng mga PSF sa bawat production numbers nila. Lalo na sa nagustuhan ko talaga, like iyong excerpt sa mga musicals na tulad ng Cats, Les Miserables, at iba pa. Naaliw din ako siyempre sa grupo ng mga bading na nagpakuwela rito at sa excerps ng mga play ng PSF.
Congrats sa mga members ng PSF like Patrick Libao, Adelle Ibarrientos, JP Lopez, Cindy Liper, Raymond Diolan Rances, Arnold Gamier, Erwin Usman Ignacio, JV Cruz, Poul Garcia, Jomar Tanada-Bautista, Jerie Sanchez, Alence Villanueva, John Rey Rivas, at marami pang iba. Sa ngayon, napapanood ang PSF sa kanilang latest stage play na Filipinas 1941, Isang Dulayawit na pinagbibidahan nina Direk Vince at Patrick. Kabilang din sa nagsisiganap dito sina Cindy Liper (Emilia), Adelle Ibarrientos (Sophia), Jomar Bautista (President Manuel L. Quezon), JP Lopez (Jose P. Laurel), Chris Lim (Gen. Douglas MacArthur), Raymond Rances (General Yamashita), Reggie de la Vega (General Homma), Paul Garcia (General Masanobu), at iba pa.
ni Nonie V. Nicasio