AKALA ko luma ‘yung balitang nabasa ko kahapon, bago naman pala. Napagkamalan ko lang na luma dahil lagi namang ganito ang nababasa natin tungkol sa pag-aaktong ‘third force’ ni Uncle Jose Peping Cojuangco (the not so favorite uncle of PNoy).
Pasintabi po kay NPC President JOEL EGCO, ang Senior Reporter ng Manila Times na nakakuha ng istorya.
Ito ‘yung “Peping joins clamor to oust President.”
Honestly, hindi natin pinagdududahan ang kakayanan ni Uncle Peping na maglunsad ng ganitong aksyon laban sa pambansang pamahalaan.
Mas pinagdududahan natin ang kanyang layunin kung bakit siya biglang umangkas sa panawagan ni Archbishop Ramon Arguelles na isulong ang transition government.
Basehan ng panawagang ito ni Arguelles ang desisyon ng Korte Suprema na illegal ang Priority Development Assistance Fund (PDAF), at Disbursement Acceleration Program (DAP) at iba pang uri ng pork barrel funds.
Ginawa ni Arguelles ang panawagan nitong nakaraang Agosto sa isang malaking rally sa Lipa City.
At ito ang gustong angkasan ni Uncle Peping na siya umanong mangangalap ng 10 milyon lagda para sa isang transition government na pamumunuan ni dating Chief Justice Reynato Puno. Ang tagapagsalita naman umano ay isang Jose Malvar Villegas, Jr., nagpapakilalang apo ni Heneral Miguel Malvar, ang huling heneral umano na sumuko sa pwersang Amerikano.
Isusulong umano ang transition government para maiwasan ang madugong labanan.
Kumbaga si Tiyo Peping ang mangunguna para kombinsihin umano ang kanyang pamangkin na bumaba sa puwesto.
Upang maging matiwasay, hihingin umano nila ang suporta ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil ito umano ang sinumpaan nilang tungkulin sa Konstitusyon ng bansa.
Paninindigan umano nina Cojuangco at Villegas ang desisyon nilang ito at hindi aatras para maitayo ang transition government.
Sa pamamagitan umano ng National Transformation Council (NTC) unti-unting papalitan ang mga nakaupo sa gobyerno.
Ngayong araw, Disyembre 3, umano ihahayag ni Peping Cojuangco ang pagbubuo ng transition government sa Angeles City, Pampanga.
Naikuwento po natin ang balitang ito sa ilang mga kaibigan at kakilala sa LGBT community …
Iisa lang ang naging sagot nila … ECHOS!!! Sabay taas ng kanilang mga kilay.
Alam mo na, Uncle Peping?!