Friday , November 22 2024

People power at kudeta ng AFP pamumunuan ni Uncle Peping?

00 Bulabugin jerry yap jsyOMG!!!

AKALA ko luma ‘yung balitang nabasa ko kahapon, bago naman pala. Napagkamalan ko lang na luma dahil lagi namang ganito ang nababasa natin tungkol sa pag-aaktong ‘third force’ ni Uncle Jose Peping Cojuangco (the not so favorite uncle of PNoy).

Pasintabi po kay NPC President JOEL EGCO, ang Senior Reporter ng Manila Times na nakakuha ng istorya.

Ito ‘yung “Peping joins clamor to oust President.”

Honestly, hindi natin pinagdududahan ang kakayanan ni Uncle Peping na maglunsad ng ganitong aksyon laban sa pambansang pamahalaan.

Mas pinagdududahan natin ang kanyang layunin kung bakit siya biglang umangkas sa panawagan ni Archbishop Ramon Arguelles na isulong ang transition government.

Basehan ng panawagang ito ni Arguelles ang desisyon ng Korte Suprema na illegal ang Priority Development Assistance Fund (PDAF), at Disbursement Acceleration Program (DAP) at iba pang uri ng pork barrel funds.

Ginawa ni Arguelles ang panawagan nitong nakaraang Agosto sa isang malaking rally sa Lipa City.

At ito ang gustong angkasan ni Uncle Peping na siya umanong mangangalap ng 10 milyon lagda para sa isang transition government na pamumunuan ni dating Chief Justice Reynato Puno. Ang tagapagsalita naman umano ay isang Jose Malvar Villegas, Jr., nagpapakilalang apo ni Heneral Miguel Malvar, ang huling heneral umano na sumuko sa pwersang Amerikano.

Isusulong umano ang transition government para maiwasan ang madugong labanan.

Kumbaga si Tiyo Peping ang mangunguna para kombinsihin umano ang kanyang pamangkin na bumaba sa puwesto.

Upang maging matiwasay, hihingin umano nila ang suporta ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil ito umano ang sinumpaan nilang tungkulin sa Konstitusyon ng bansa.

Paninindigan umano nina Cojuangco at Villegas ang desisyon nilang ito at hindi aatras para maitayo ang transition government.

Sa pamamagitan umano ng National Transformation Council (NTC) unti-unting papalitan ang mga nakaupo sa gobyerno.

Ngayong araw, Disyembre 3, umano ihahayag ni Peping Cojuangco ang pagbubuo ng transition government sa Angeles City, Pampanga.

Naikuwento po natin ang balitang ito sa ilang mga kaibigan at kakilala sa LGBT community …

Iisa lang ang naging sagot nila … ECHOS!!! Sabay taas ng kanilang mga kilay.

Alam mo na, Uncle Peping?!

Aroganteng IO/TCEU sa BI-NAIA kinasuhan sa ombudsman! (Pasok sa “BI don’t care program”)

HETO na naman …

Isa na namang Immigration Officer (IO) ang nagpakita ng kanilang kakaibang natutunan sa training ni dating Immigration Commissioner Ricardo David, Jr.

Ang tinutukoy natin ay walang iba kundi si Immigration Officer SIDNEY ROY DUMALDAL ‘este DIMANDAL na nakatalaga naman sa BI-Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1.

Anyway, ganito po ang nakalagay sa dokumentong ipinasa sa Ombudsman ng mga nagreklamo.

Kinasuhan nina Gabriel Apostol at Ma. Critina Bucton, ng Blk. 1—, Lot 61, Area -, San Pedro, San Jose del Monte, Bulacan si IO Dimandal ng unjust vexation, grave oral defamation at slander, at iba pang paglabag na nagdulot sa kanila ng kahihiyan at pagkasira ng reputasyon, at ng paglabag sa Section 3 (e) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Grave Misconduct, Conduct, Conduct Unbecoming of a Public Official, Abuse of Authority and Oppression.

Ayon sa salaysay ng mag-asawa,Sabado, Nobyembre 22 (2014), dakong 4 hanggang 5 a.m., nagtungo sila sa Immigration Office para sa assessment at evaluation bilang mga pasahero bago ang kanilang flight. Dahil limang taon nang overseas Filipino worker (OFW), sinabi ni Apostol na batid niya ang mga proseso sa Immigration. Dahil ang kanyang misis na si Bucton ay bagong pasahero, sinamahan niya ang kanyang misis sa Evaluation Officer ng Bureau.

Nang makarating sila sa mesa ng nakatalagang opisyal,isang lalaking nakasuot ng black jacket ang lumapit sa kanila at sinigawan sila ng: “Hoy! For interview ka ba? Bakit nandito ka? Dun ka, dun ka! Doon ka sa dulo umupo! At huwag kang humarap dito!”

Gayonman, nagtimpi aniya siya at magalang na sinunod ang utos at naupo sa silyang malayo sa mesa. Naghintay siyang tawagin habang nag-oobserba at nakikinig kung paano tratuhin ng lalaki ang kanyang misis. Makaraan ang 15 minutong interview ay nakita niyang umiiyak na ang kanyang misis kaya nilapitan niya ang opisyal at tinanong.”Bakit po sir? Ano po ba ang problema?”

Ngunit pasigaw aniyang sinabi ng opisyal na “Mag-asawa ba kayo? Nasaan ang mga requirements n’yo? Akin na, ipakita n’yo nga ang patunay na mag-asawa kayo! Magpopokpok ka lang ‘ata sa abroad e!”

Sa loob aniya ng 30 minuto ay kung ano-anong masasamang salita ang sinabi ng aroganteng opisyal kahit makaraan ibigay nila ang patunay na sila ay legal na mag-asawa.

“Hindi ito legal na dokumento, peke ito! ‘Wag n’yo kong gaguhin! ‘Bigay n’yo sa ‘kin ‘yung galing sa NSO!” Aniya, ipinaliwanag nilang hindi pa sila makakukuha ng NSO marriage cerfiticate dahil bagong kasal lamang sila.

Nagpumilit aniya ang opisyal at nanindigan sa kanyang desisyon na hindi kikilalanin ang mga dokumento sa kabila ng kanilang paliwanag. Nakiusap aniya sila at nagmakaawa na sila ay pasakayin dahil malapit na ang boarding time. Ngunit pasigaw aniyang sinabi ng opisyal at narinig ng lahat ng mga pasahero ang katagang “Wala akong pakialam sa inyo! Hindi magbabago ang desisyon ko! Ako ang masusunod dito! Ako ang opisyal dito! Sa akin lang kayo dadaan! At hindi ako naniniwala sa dokumento n’yo peke yan! Ikaw babae ka hindi mo ‘yan asawa at wala ka nang balak na bumalik dito sa bansa ‘di ba!? Dahil magpopokpok ka lang sa abroad.”

Bunsod nito, uminit na umano ang kanyang ulo na nagresulta sa kanilang mainitang pagtatalo. Sinabi niya sa opisyal “Wala po bang mas mataas sa inyo na puwede po naming mapakiusapan? Sino po ba ang mas in-charge sa inyo na pupwede po naming maipahayag ang aming saloobin?” Sa puntong ito ay itinanong niya kung ano ang pangalan ng opisyal.

Lalo aniyang nagalit si Dumaldal ‘este Dimandal at sa mataas na boses ay sinabi ang katagang: “Putang ina, ano magrereklamo ka! Sige, magreklamo ka, Doon ang head office namin sa Intramuros!” Kasabay nito ay ipinakita aniya ng opisyal ang kanyang ID at nakilala nilang si Sidney Roy Dimandal. Hinamon din anila sila na magreklamo sa BI Head office sa Intramuros.

“Napaka-unprofessional ng ginawa ni Immigration Officer Dimandal sa amin,” pahayag ng mag-asawa sa kanilang reklamo.

Bilang suporta sa kailang reklamo, sinabi ng mag-asawa na nakunan nila ng video at retrato ang insidente na magpapakita kung gaano kaarogante si Dimandal.

Immigration Commissioner Siegfred Mison Sir, may susunod pa kayang biktima sina IO Pascua at IO Dimaandal?!

Nakakatakot po sila Commissioner Mison, para silang mga 22 o 24 anyos na sundalong Amerikano na ipinadadala sa Iraq, sa Syria,sa Afganistan o sa Armenia.

Parang mga sanay kumain ng bala sa pagiging warfreak na ipinakikita sa ating mga kababayan na maglalakbay.

Mukhang kailangan pong i-reorient at ipa-nuero test ‘yung mga nagsanay sa ilalim ng administrasyon ni David?!

Pwede ba natin ipagmalaki ang mga ‘yan sa programang BI CARES mo sa airport, Sir?

 

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About hataw tabloid

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *