PINASAYA at pinakilig ni tennis superstar Maria Sharapova ang mga Pinoy fans sa tuwing tatapak sa court sa nagaganap na Coca-Cola International Premier Tennis League (IPTL) sa Mall of Asia Arena (MOA).
Dalawang araw na paglalaro sa exhibiton games, kahit natalo ay hindi nagbabago ang lakas ng sigaw ng mga fans nito tuwing hahataw ng raketa sa event na tumagal ng tatlong araw.
Sa day 1 at 2 lang naglaro si Sharapova para sa Manila Mavericks pero tuloy-tuloy pa rin ang malalakas na hiyawan ng mga manonood sa day 3 dahil si world’s No. 1 player Serena Williams naman ang nagpakitang gilas nang dumating siya noong Linggo.
Hindi na lumaro si Maria Sharapova sa Manila Mavericks kaya hindi na rin natuloy ang Sharapova-Williams showdown na inaabangan.
Pumalo ng raketa si Williams sa Singapore Slammers kung saan ay sa mixed doubles muna siya lumaro katambal si Hewitt laban kina Andy Murray at Kirsten Flipkens ng Mavericks.
Pinagpag ng Mavericks na hinahawakan ni Filipino playing-coach Treat Huey ang Slammers, 6-1 pero bumalik sa court si Williams para sa women’s singles at nagpakita ito ng kanyang tikas para igupo si Flipkens 6-3.
Sa kabuuan ay nagwagi ang Mavs sa Slammers, 27-19.
Tuwang-tuwa naman si Williams sa mainit na pagtanggap sa kanya ng mga fans. “The reaction was really overwhelming.” ani Williams.
Sa men’s singles yumuko si Wimbledon champion Murray kay 19-year-old Nick Kyrgios bago naitakas ang 7-5 win sa shootout, ang huling puntos ay nadesisyunan sa huling segundo ng 5-minute shootout time.
Nakatikim ng unang panalo sa tatlong subok ang Mavericks habang walang naipanalo sa tatlong salang ang Slammers.
Hanggang sa pangatlong araw, napuno ng IPTL ang MOA Arena kahit umabot sa P2,900 ang tickets sa General Admission at P58,500 sa VIP pass para sa three-day pass.
Sa unang match, tinalo ng Micromax India Aces ang UAE Royals, 28-20, para hablutin ang Manila leg.
Sunod na hatawan sa nasabing liga ay sa Singapore (Dec. 2-4), Delhi (Dec. 6-8) at Dubai (Dec. 11-13). Taya sa torneo ang $1 million. (ARABELA PRINCESS DAWA)