BUNSOD nang mas pinahigpit na operasyon ng Bureau of Corrections (BuCor) laban sa ilegal na mga kontrabando at droga sa loob ng New Bilibid Prison (NBP), maraming high tech gadgets ang nakompiska sa nasabing piitan.
Sa ulat ni BuCor Director Franklin Jesus B. Bucayu kay Department of Justice (DoJ) Secretary Leila De Lima, nagsagawa ng search and seizure operations ang mga kagawad ng NBP Security Patrol and Response Unit nitong Sabado ng hapon at nakompiska ang sumusunod na items: 11 signal boosters, 4 booster chargers, 46 aluminum outdoor antennas, 14 plastic outdoor antennas, ‘4’ WiFi My Bro, 4 WiFi antennas, 9 repeaters, 7 units power supply, 5 rolls ng electrical wires, 1 splitter, at isang distributor.
Sa utos ni Director Bucayu, beniberipika kung sinong mga preso ang nagmamay-ari ng naturang gadgets.
Una rito, Sabado ng umaga nang makakompiska rin ang mga awtoridad ng NBP ng limang pakete ng marijuana sa naturang compound.
Magugunitang binatikos ng DoJ ang NBP dahil may kilalang drug personalities na nakakulong ngunit patuloy na nakikipagsabwatan sa jail guards upang makapagpatuloy ng negosyo kahit sa loob ng bilangguan.
Sindikato pasok din sa carnapping (Hindi lang sa droga)
INIHAYAG ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, may natatanggap siyang intelligence report na ang mga nakakulong na lider ng sindikato sa New Bilibid Prison (NBP) ay hindi lang droga ang pinatatakbo sa loob ng kulungan kundi pati carnapping.
Ito’y kahit nakakulong na sila sa loob ng Bilibid.
Napag-alaman, nakagagamit ang mga sindikato ng carnapping ng cellphone bukod sa unlimited na “WiFi” internet connection at laptop para manatili ang kanilang komunikasyon sa kanilang mga galamay na nag-o-operate sa labas.
Sinabi ni Roxas, ang nakikita niyang mabilis na solusyon ay magkaroon ng cell site blanketing.
Nagpahayag din ng kahandaan si Roxas na pakilusin ang lawak ng kapangyarihan ng DILG kung hihingi ng ayuda ang DoJ sa kanila.
Major reshuffle iniutos ni de Lima
MAGPAPATUPAD nang malawakang balasahan ang Bureau of Corrections (BuCor) sa mga bantay sa New Bilibid Prisons (NBP).
Sakop ng “major reshuffling” na gagawin sa lalong madaling panahon ang custodial personnel sa Minimum, Medium at Maximum Security compounds ng NBP.
Ganito rin ang gagawin sa lahat ng kulungang pinamamahalaan ng BuCor sa harap ng impormasyong naipagpapatuloy pa rin ng mga naarestong drug lord ang kanilang operasyon kahit nasa loob ng kulungan.
Kombinsido si Justice Secretary Leila De Lima na lihim na nakikipagsabwatan ang ilang jail officer sa mga bilanggo.
Leonard Basilio