INTERESADO ANG ISANG MALAKING DEVELOPER SA LOTE NILA PERO MARIING TUMANGGI SI NANAY MONANG
“Iparating mo sa kanya na doble ang alok na presyo sa kalakarang halaga ng lupa sa ating lugar,” agap ng sekretarya na napansin kong bahagyang nagtaas ng kilay.
“Sige po, sasabihin ko kay Nanay Monang pag-uwi ko mamaya…”
Pagdating ko ng bahay ay agad kong sinabi ang ipinasasabi ng sekretarya ng barangay kay Nanay Monang. Pero nagpakatanggi-tanggi siya.
“’Di ko ipagbibili ang lupa natin kahit sampung doble pa sa halagang iniaalok sa atin,” ang matigas na pasiya ng nanay ko.
“B-bakit po, ‘Nay?”
“Dahil may gintong nakabaon sa lupang nasasakupan natin,” sabi ni Nanay Monang sa pamimilog ng mga mata.
Nagsawalang-kibo ako. Sa pagkakaalam ko kasi, ang paniniwala ni Inay na may mga bara ng ginto sa lupa namin ay bunga lamang ng kanyang imahinasyon. Kesyo isang hatinggabi ay nakakita raw siya ng pagkalaki-laking baka na kulay pula sa likod-bahay namin. Pero hindi ko iyon pinaniwalaan. Sa tingin ko kasi ay parang inuulit lamang niya ang kuwento ng lola ko tungkol sa kulay pulang baka. Na kapag nakakita ka raw sa hatinggabi ng kulay pulang baka ay kinakailangang masilo mo ito ng mahabang lubid. At kung saan mo raw nakitang lumubog ang baka ay doon daw karakang maghukay para makuha ang mga bara ng ginto. Sumaisip ko, malaki talaga ang naging impluwensiya sa utak ng nanay ko ang mga ikinuwento sa kanya ng lola ko noong bata pa siya.
Balitang-balita sa kabisera na gagawin daw tourist spot ang lugar namin. Usap-usapan doon na isang pribadong indibidwal ang magdedebelop at magpapaganda sa isang bahagi ng aming bayan. Bukod umano sa pagtatayo ng isang malaking hotel at iba pang establisim-yento ay isasaayos rin ang mahabang baybay-dagat at ang karugtong na baybay-ilog upang gawin na isang beach resort. (Itutuloy)
ni Rey Atalia