SIMULA sa susunod na taon ay may bagong coach na ang Letran sa NCAA men’s basketball.
Ayon sa ulat ng www.spin.ph, hinirang ng pamumuan ng kolehiyo si Aldrin Ayo bilang kapalit ni Caloy Garcia na hindi na pinapirma ng bagong kontrata pagkatapos na ito’y mapaso na noong isang buwan.
Si Ayo ay dating manlalaro ng Letran sa NCAA at kakampi niya noong mga panahong iyon sina Kerby Raymundo at Chris Calaguio na naglaro na sa PBA.
Sa ngayon, si Ayo ay konsehal sa lalawigan ng Sorsogon at isa siya sa mga assistant coaches ni Manny Pacquiao sa Kia Sorento sa PBA.
Nagdesisyon ang Letran na sibakin na si Garcia dahil hindi nakapasok ang Knights sa Final Four ng huling NCAA season pagkatapos na umakyat sa PBA ang dating sentro nilang si Raymond Almazan.
Bukod kay Ayo, may isa pang bagong coach sa NCAA sa susunod na taon sa katauhan ni Jamike Jarin na papalit kay Boyet Fernandez sa paghawak ng San Beda Red Lions.
Inaasahan ding iaanunsiyo sa Enero ang mga bagong coaches ng Lyceum at Emilio Aguinaldo Colleges kapalit nina Bonnie Tan at Gerry Esplana na parehong nagbitiw sa trabaho.
Nanganganib ding masibak sa trabaho ang coach ng San Sebastian College na si Topex Robinson pagkatapos na aminin niya ang kanyang pagkukulang sa Stags.
Bukod pa rito ay umalis na sa kampo ng SSC ang power forward na si CJ Perez na lilipat na sa Ateneo sa UAAP ngunit sa 2016 pa siya puwedeng maglaro sa Blue Eagles.
(James Ty III)