OBVIOUS ang kakulangan ng ‘endgame poise’ para sa NLEX Road Warriors na natalo sa huling dalawang laro nila matapos na magposte ng malaking kalamangan sa huling dalawang minuto.
Ang unang nagpalasap ng masakit na kabiguan para sa Road Warriors ay ang Rain Or Shine noong Martes, 95-93.
Biruin mong lamang ang NLEX ng pitong puntos at wala nang isang minuto ang nalalabi ay natalo pa sila.
Ito ay matapos na magkamali ng pasa si Aldrech Ramos at pagkatapos ay hindi makumpleto ni Nino Canaleta ang isang alley-oop shot sa inbound.
Sa dakong huli ay natawagan pa ng foul si Paul Asi Taulava sa ikatlong sunod na kamalian ng Road Warriors na tuluyang nalugmok.
Noon namang Biyernes ay lamang sila ng anim na puntos kontra sa nangungunang Alaska Milk at animo ay didiretso na sila sa panalo’t maibabaon na nila sa limot ang karanasan laban sa Rain Or Shine.
Pero nakabawi ang Aces na nagpamalas ng magandang chemitry sa endgame upang mamayani, 90-84.
Bunga ng magkasunod na kabiguan ay bumagsak ang NLEX sa 3-6 record.
Sayang! Kasi puwedeng 5-4 ang kanilang karta at baka nakaseguro na sila ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Ngayon ay mahihirapan pa sila at dadaan sa butas ng karayom.
Well, ayon kay NLEX team manager Ronald Dulatre, “part of our learning experience.”
Sana nga may natutunan na sila dahil hindi lang minsan kungdi dalawang beses pa nangyari ang masaklap na kabiguan.
ni Sabrina Pascua