MUKHANG all system go na ang kampanya ni DILG Sec. Mar Roxas para sa 2016.
Bukod kasi sa siya na ang siguradong manok ni PNoy ay may kaakibat pang panggastos para sa pagpapapogi at kampanya dahil naglaan ang national government ng P12.9 bilyon para sa pagpapatayo ng bahay at patubig sa mga kanayunan na ang asawa ni Korina Sanchez ang mamamahala at mamimili kung saang probinsya at bayan ito ilalagay.
Malinaw sa sinabi ni Senador Bongbong Marcos na may tamang departamento na dapat paglagyan ng P12.9 bilyong pondo dahil wala namang expertise ang DILG sa pagpapatupad at pagsasagawa ng ganitong programa.
Nariyan ang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at Local Water Utilities Administration (LWUA) para magsagawa ng naturang proyekto na may dambuhalang alokasyon pero sa DILG ito pinamahala ng Pangulo.
Kitang-kita ang pagbibigay ni PNoy ng pabor sa kanyang mamanukin sa 2016 dahil kahit mayroong tanggapan na dapat mangasiwa nito ay sa opisina ni Roxas niya ito pinamahala.
Maliwanag din na tinapatan at hinigitan pa ni Roxas ang departamentong hawak ni Binay na namamahala sa pabahay dahil kagapay niya ang Office of the President sa kanyang mga hangarin.
Obvious na politika ang dahilan ng P12.9 bilyon kaya dapat suriin at tingnang mabuti ng mamamayan dahil ang mismong ang “daang matuwid” na sinasabi ng kasalukuyang liderato ang nababalewala rito dahil nagkakaroon ng paglalagay ng pondo sa ‘di tamang ahensiya ng pamahalaan.
Tama rin ang sinabi ni Marcos na marapat lamang mag-ulat si Roxas sa ginawa niyang paggastos at proyekto sa pabahay na isinagawa ng DILG ngayong 2014.
Marami pang nakapagtatakang ginagawa ang PNoy administration at iyan ang dapat tutukan ng taumbayan dahil malinaw na isa itong paraan ng kuropsyon matapos ilipat ang pondong dapat inilalagay sa tamang ahensya ng pamahalaan.