GINUNITA sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila ang ika-151 kaarawan ni Andres Bonifacio kahapon.
Sa Maynila, nag-alay ng mga bulaklak ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, National Historical Commission of the Philippines (NHCP) at Tutuban Center sa monumento ng bayani.
Nakatayo ang monumento ni Bonifacio sa lugar na dating nakatayo ang kanyang tahanan sa harap ng Tutuban Center at dating PNR station.
Habang sa programa sa Monumento sa Caloocan City, bukod sa mga opisyal, dumalo si Robin Padilla at mga kaapo-apohan ni Bonifacio para mag-alay ng bulaklak.
Binigyan ang bayani ng 21-gun salute ng Philippine Army reservist.
May isinagawa ring programa sa Cloverleaf, Balintawak, Quezon City na dinaluhan ng mga lokal na opisyal at mga miyembro ng Quezon City Police District (QCPD).
Nakiisa rin si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa pagdiriwang ng kaarawan ni Bonifacio sa pamamagitan ng kanyang pagbibigay ng mensahe na ibinahagi ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma.
“Ang pagmamahal sa bayan ni Andres Bonifacio ang nagbigay inspirasyon sa mga Filipino na ipaglaban at itanghal ang kanilang dignidad, kalayaan, at ang soberanya ng ating bansa.”
“Ngayon, 151 taon mula ‘nung siya ay isinilang, pagkatapos ng maraming pagsubok sa ating kasaysayan at katauhan na ating nalampasan, nagkakaisa tayo bilang isang bansa upang gunitain ang mga sakripisyong inalay niya bunsod ng kanyang mithiin na makita niya ang pagtamo ng ating mga aspirasyon.”