DAHIL sa sobrang kainan at tagayan, isang trainee ng Airport Police Department (APD) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang sinabing namatay sa katatapos na recognition rites sa isang pribadong resort sa Nueva Ecija, kahapon.
Sa isang sketchy report na natanggap ng pahayagang HATAW, nadala pa umano sa isang ospital ang biktimang APD trainee na kinilalang si Leo Lazaro, dumalo sa kanilang recognition rites sa isang private resort sa Nueva Ecija ngunit idineklarang dead on arrival (DOA).
Ilang buwan na ang nakararaan, pumasok sa training ang 30 aplikante para maging Airport police.
Kahapon, Nobyembre 29, opisyal na nagtapos ang training sa pama-magitan ng isang recognition rites sa isang private resort sa Nueva Ecija na sinabing pag-aari ni APD chief, Chief Supt. Jesus Gordon Descanzo.
Sa recognition rites, sinabing maraming pagkain at inumin ang inihanda sa mga nagtapos.
Ayon sa isang source, “Galing sa training hindi dapat pinakain nang marami at pinainom dahil bugbog pa ang katawan nila sa pagod ta hirap.”
Si Lazaro ay sinabing nagtapos ng kursong kriminolohiya sa Philippine College of Criminology (PCCr). Sinikap ng HATAW na kunin ang panig ni Descanzo hinggil sa insidente ngunit nabigo sa ilang beses na pagtawag sa kanilang tanggapan.
Jerry Yap