SA KABILA ng samo’t saring isyu na ikinukulapol sa pangalan ni Vice President Jejomar Binay (na ikinalulungkot natin na hindi niya hinaharap at sinasagot) ‘e nagagawa pa niya ngayon na mag-ikot-ikot sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nagsimula ang pag-iikot ni VP Binay nang pumutok ang isyu ng overpriced building/parking sa Makati at kasunod nito ang 350-ektaryang lupain sa Rosario, Batangas.
Marami ang nagsasabi na ang pag-iikot ni VP Binay ay maagang pa-ngangampanya.
Aminin man niya o hindi, ‘e ‘yan ang katotohanan diyan. Pero ang malungkot, ang sambayanan ang nalulugi sa ginagawa ni VP Binay.
Saan kinukuha ni VP Binay ang ginagastos niya sa kanyang mga pag-iiikot?!
Sa sariling bulsa ba niya?!
S’yempre hindi. Lalo na kung idedeklara nilang official function ng Office of the Vice President (OVP) ang mga pag-iikot na ‘yan.
Sabi nga natin, si VP Binay ay isang beteranong street parliamentarian at isang tahirang politiko. Hindi niya maabot ang kinalalagyan niya ngayon kung wala sa kanya ang mga katangiang ‘yan.
Ultimo ang politikong si Syjuco ay hindi nagamit ang impluwensiya, kuwarta at kagulangan para maka-penetrate sa Makati politics.
Ang beteranong lawyer ng Martial Law na si Joker Arroyo ay tumanda sa lehislatura pero hindi napasok ang local politics sa Makati.
Ibig sabihin, ganyan kakapal ‘este katibay ang mga Binay sa Makati.
Isipin na lang natin kung makuha ni VP Binay ang pinamakataas na posisyong pampolitika (2016) sa bansa… napakatibay na posisyon para lalo pang protektahan ang kanyang dinastiya.
Sa kanyang huling birthday ay 72 anyos na si VP Binay, pero hindi ito mahahalata sa kanyang pisikal na hilatsa.
Sa ganang atin, dapat na magdesiyon nang tama ang sambayanan para makaalpas naman tayo sa kinalalagyan natin ngayon.
Ilagay natin na ang 2016 ay make or break para sa sambayanan … kumbaga kapag nagkamali tayo sa 2016, nowhere to go na tayo … lalo na ang mas nakararaming mamamayan na laging nagpapasan ng pagdurusa kapag maling tao ang ating naiuupo sa gobyerno.
Think wisely on 2016.
Bookies sugal lupa at droga talamak sa AOR ng MPD PS-4 AT PS-6
NAMAMAYAGPAG pa rin ang lahat ng klase ng ilegal sa nasasakupan ng Manila Police District (MPD) station 4 at station 6.
‘Yan ang report ng ating BULABOG BOY sa pagiging smooth sailing na 1602 gaya ng bookies, lotteng, weteng, hulog holen, saklang patay at saklang puesto pijo!
Patuloy pang dumami ang mga butas ng bookies nina PASYA, TOTON at pulis bagman Tata PAKNOY FRESNEDI sa Sampaloc at Sta. Ana.
Wala raw kasing problema sa ‘timbrehan’ sa MPD Sampaloc at Sta. Ana Police stations.
MPD director S/Supt. Rolly Nana, kilala na ho ba n’yo ang mga bagman sa dalawang estasyon na ‘yan?
By the way Sir, sabi ng mga pulis sa HQ, mas-yado ka raw mabait kaya pinaiikot ka ng ilang tulisan d’yan sa MPD.
Totoo ba ‘yan Sir?
I/O Jennifer Angeles, alive & kicking again
BACK to her old ways and old self na naman daw ang isang Immigration Officer (IO) Jennifer Angeles matapos mag-serve ng 90 days suspension sa kasong kinasangkutan n’ya diyan sa Mactan-Cebu International Airport.
Marami kasing tumaas ang kilay matapos makita ang beauty (beauty nga ba?) daw ni Madame Jennifer dahil bukod tanging siya lang ang nakasuhan na hindi man lang ini-recall sa BI Main Office gaya ng usual procedure sa mga empleyadong ‘bet-sa.’
Mukhang matibay raw ang nakuha niyang koneksyon dahil ‘yung iba nga riyan na maliliit lang ang kaso, agad-agad na ibinabalik sa kanilang mother unit without overtime pay pero si Madame JA, taas-noo pa ngayon na muling namamayagpag sa lugar na ikinokonsidera niyang kanyang-kanya!?
Kunsabagay, sabi ng mga taga-BI-Cebu, ikaw ba naman ang maging tour guide sa mga bossing ng Bureau kada nagagawi sa Cebu.
Kahit itanong pa raw ‘yan sa kanyang amiga na si Atty. Tara!?
Tupada sa Port Area at Zaragosa sa Tondo malakihang ‘derby’
GOOD pm po sir Jerry, nakaraan linggo hinuli ng pulis becutan ang tupadahan dito sa port area. Bakit po ung ky TAGA sa almario zaragusa na tupadahan at my gradas pa ay hindi hinuhuli lahat po n bigtym ng sabungero ng tondo dn ng sasabog kla m pg araw ng linggo at sabado ay parang derby na sa dami tao at malakasan ang taya. Sabi nila malaki daw ang hatag sa MPD headquarters kya hindi nerered. Dahil tupadahan dw ito ni vice esco Moreno at mayor erap hmm. At c TAGA ang nagmamanage ang lakas talaga walang cnabi ang laloma cock fifth sa pustahan tnx po. +63939128 – – – –
Politika lang ang batikos kay Binay
SIR JERRY ang masasabi ko lang sa mga bumabatikos kay VP Binay e tingnan muna nila ang kanilang sarili bago ang iba, alam naman natin lahat na politics ang nasa likod ng paninirang to sa mga Binay ‘e at ang hudas ay laging hudas gano’n din kay Cain. Wala naman perpekto sa mundo lahat nagkakamali at nakakagawa nang kasalanan. +63932238 – – – –
Hubo’t hubad na katotohanan vs sinungaling at magnanakaw
‘YANG hubo’t hubad na katotohanan talaga ang tatapos sa mga sinungaling at mga magna-nakaw na lider. At ‘yang mailap na katarungan na matagal ng nakagapos at kontrolado ng ka-hayupan, ‘yan din katarungan ang makakapagpapabago dito sa nabubulok nating lipunan! Ka tropa Donald ng tundo! +63919665 – – – –
Anti-political dynasty bill ipasa na
IPASA na ang “Anti-political dynasty” bill sa Kongreso. +63908878 – – – –
Missing ba talaga o itinatago lang si Mr. Limlingan?
SI MR. LIMLINGAN, alleged bagman ni VP Binay missing, o itinago? +63909591 – – – –
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com