ISA sa dapat pagtuunan ng pansin ng ating gobyerno ay kung ano ang napapakinabangan ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na kung titingnan ay puro lang yata press release at walang magandang rating ang kanilang serbisyo.
Sila na rin mismo ang nagsasabi na ang ating OFWs ay matatawag na buhay na bayani dahil milyon-milyong dolyares ang iniaakyat sa kaban ng ating bayan.
Diretsahin na natin, ang OWWA ay magaling lang mangolekta pero pagdating sa serbisyo, sa pangangailangan ng kanilang miyembro, aabutin nang siyam siyam.
Ang inyong lingkod na isa rin miyembro ng OWWA magmula nang bumalik tayo sa Filipinas noong 1983, ang ating naihulog na kontribusyon ay hind man lang lumagapak sa palad natin.
Samantala kayo na nandiyan sa OWWA ‘e ang gaganda ng mga gamit pang-opisina ninyo pati mga muwebles na ang ipinambili ay galing sa pinagpaguran ng ating kababayang OFWs.
Pero kung hinihingi nila ang para sa kanila ay kung ano anong mga papeles ang hinahanap ninyo na sa totoo lang mahirap i-produce ng kawawang kababayan natin.
Sa inyo na rin nanggaling na maaring magtayo ng kooperatioba ang mga OFW at nakahanda kayong tumulong ngunit kabaligtaran ang sinasabi ninyo.
Kailangan hanapin pa sa iba’t ibang planeta ang inyong hinihinging rekisitos na kahit kayo ay mahihirapan bago makompleto.
Ganyan kayo katalas sa OWWA!
Sana balang araw ‘e makonsenya kayo na tulungan nang tunay ang OFWs kaysa magbulag-bulagan at magbingi-bingihan diyan sa inyong malamig na opisina.