ni Pilar Mateo
YOUNG love, sweet love! Mukhang hindi na nga mapipigilan ang binata ni Piolo Pascual na si Iñigo sa pagtutuloy ng acting career nito.
Si Iñigo ang magiging leading man ni Julia Barretto sa episose ng MMK (Maalaala Mo Kaya) sa Sabado, November 29, 2014 sa ABS-CBN.
Bilang sina Christian at Karen, ang tibol ng unang sibol ng pagmamahalan ang istoryang ating matutunghayan.
Lumaki sa piling ng istriktong ama, nangako si Karen sa sarili na magiging masunurin sa kanyang magulang at hindi muna iibig. Pero magbabago ang lahat sa pagpasok sa buhay niya ni Christian—ang kanyang first love. Sa matagal na panahon ay pilit niyang itinago ang kanyang nararamdaman sa kaibigan sa pamamagitan ng isang diary.
Paano matutuklasan ni Christian ang sikreto ni Karen? Anong gagawin ni Karen sa sandaling matuklasan niyang ang first love niya ang may mahal na palang iba?
Makakasama nina Julia at Iñigo sa kanilang first TV team-up sina Epi Quizon, Arlene Muhlach, Claire Ruiz, Ina Estrada, Celine Lim, Chienna Filomena, at Trina Legaspi. Ito ay sa ilalim ng direksiyon ni Raz de la Torre at panulat nina Benjamin Benson Logronio atArah Jell Badayos.
Ang MMK ay pinamumunuan ng business unit head nito na si Malou Santos at creative manager na si Mel Mendoza-Del Rosario.
Sa loob ng 23 taon, bahagi na ng bawat pamilyang Filipino saan man sa mundo ang Maalaala Mo Kaya na bawat Sabado ay nagpapaluha, nagpapangiti, at nagbibigay-inspirasyon sa TV viewers sa pamamagitan ng mga totoong kuwentong buhay na ibinabahagi ng letter-senders ng programa.
Si Julian Estrada ang unang nangarap na maging ka-loveteam si Julia sa pagsalang nito sa acting department noon. Ngayon eh, kapwa rin niya showbiz royalty ang sinusubok na ipareha kay Julia in the person of Iñigo.
Silang tatlo naman kaya ang magsasama-sama after ng Maalaala…?