NAKALIGTAS sa nakatakdang bitay ang isang overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia.
Ayon kay Vice President Jejomar Binay, ito ay makaraan patawarin ng mga tagapagmana ng biktima ang Filipino na si Jonard Langamin sa krimeng nagawa.
Nananatili ngayon si Langamin sa Dammam Reformatory Jail.
Taon 2008 nang kasuhan ng murder si Langamin sa pagpatay sa kapwa Filipino na si Ro-bertson Mendoza.
Ayon sa bise presidente, kailangang maplantsa muna ni Langamin ang blood money na hinihingi ng kampo ng biktima. Napababa na ang P5-milyong blood money para sa pamilya Mendoza sa P2 milyon.
Kaya hiniling ni Binay sa Department of Foreign Affairs (DFA) na madaliin ang pag-aasikaso ng blood money para kay Langamin nang makapi-ling na niya ang pamilya ngayong Pasko.
Oras na mabayaran ang blood money, agad magsasagawa ng marathon hearing ang Dammam High Court para desisyonan ang deportas-yon kay Langamin.