HINILING ng pamunuan ng National Park Development Committe (NPDC) na namamahala ng Rizal Park sa lungsod ng Maynila, na dagdagan ng P5 milyon ang kanilang Miscellaneous and Other Operating Expenses (MOOE) upang magamit makaraan ang misa ni Pope Francis sa Enero 18, 2015 sa pagbisita niya sa bansa.
Ayon kay Engr. Eduardo Villalun, chief ng Planning and Management Division ng NPDC, inaasahan nila ang tambak na mga basurang lilinisin at pagkasira ng mga landscape pagkatapos ng malaking pagtitipon.
Sa lima hanggang anim na milyong tao na pupunta sa park, mahirap aniyang umasa na magiging disiplinado ang lahat upang mapanatili ang kagandahan at kalinisan ng lugar kung kaya ang kanilang pamunuan na lamang ang bahala pagkatapos ng aktibidad.
Tanging paalala ng NPDC sa mga dadalo sa okasyon, ingatan ang kanilang mga importanteng gamit at pera upang huwag mabiktima ng mga magnanakaw.
Ang ganitong pagtitipon anila ang gustong samantalahin ng masasamang loob.