SA PAGLILIBOT sa Tacloban City habang inaalala ang pagbayo ng bagyong Yolanda, maraming karaniwang tao ang dumaraing sa hindi mailarawang kalamidad.
Libo-libong buhay ang nawala, bilyon pisong impraestruktura at produktong pansakahan ang napinsala at hindi mabilang na pamilya ang nagsarkipisyong magkawatak-watak upang mapagtagni-tagni ang kanilang dignidad.
Ngunit paniwalaan-dili, kapag tinanong mo ang mga taong nasa kalsada—ang tricycle dri-vers, cigarette vendors, newsboy at iba pa—hindi ang bagyong Yolanda ang sinisisi nila sa kanilang kapalaran kundi ang korupsiyon ng mga lider ng Tacloban City.
Ayon kay Robert Caldoza, 41, tricycle dri-ver, at residente ng P. Burgos St., Tacloban City, mas sinisisi nila ang kanilang mga lider na walang inaaasikaso kundi pagpapayaman habang nananatili silang nagdurusa sa kahirapan.
“Ang tagal-tagal nang nakaupo ng mga Romualdez dito sa Tacloban pero lagi nila kaming pinaaasa na aasenso,” diin ni Caldoza. “Binibili nila ang boto ng mga tao tuwing eleksiyon kaya sila ang laging nakapuwesto. Tapos nagpapaawa sila sa nangyari sa amin, isang taon na ang nakararaan mula sa bagyong Yolanda pero bakit iaasa ni Mayor Romualdez sa iba ang aming pagbangon?”
Nagreklamo maging ang street vendor na si Alice Cañete, 61, ng Veteranos St., Tacloban, sa sobrang bagal ng rehabilitasyon gayong nababalitaan nilang bilyon-bilyong dolyar ang ibinuhos ng pamahalaan, non-governmental organizations at international communities sa kanilang lungsod.
“Marami nang ibinigay lalo ang foreign donors sa Tacloban pero nasaan? Bakit may mga nakatira pa rin sa mga tent? Bakit hindi magpaliwanag si Mayor Romualdez. Totoo bang inilalaan niya ang pondo sa kandidatura ng kanyang pinsan na si Sen. Bongbong Marcos? Maawa naman sila sa taga-Tacloban!”
Paano masusugpo ang korupsiyon kung mula sa barangay hanggang sa kataas-taasang antas ng ating pamahalaan ay parang kanser na talamak ang katiwalian at kabulukan sa lipunan.
Tama ang sabi ng mga karaniwang tao sa Tacloban—kailangan natin ang isang lider na hindi nasangkot ang pangalan kailanman sa korupsiyon sa kung ilang taong panunungkulan sa gobyerno.
Sa taon 2016, muli tayong pipili ng bagong Pangulo at sana, maging matalino sa pagkaka-taong ito ang mga mamamayan na piliin ang isang lider na walang bahid ng korupsiyon ang pa-ngalan at uunahin ang kapakanan ng bayan bago ang interes ng sarili.