Tiniyak ni Interior at Local Government Secretary Mar Roxas sa mga miyembro ng Senado na ang kapakanan ng mamamayan sa pamahalaang lokal ang laging magiging prayoridad ng kagawaran.
Ito ang tugon ni Roxas sa mga sinabi ni Sen. Miriam Defensor-Santiago sa kanyang privilege speech sa Senado noong Lunes nang ipagpatuloy ang pagdinig ukol sa pambansang badyet para sa 2015.
Sa talumpati ni Santiago, pinaalalahanan niya ang DILG na tumutok sa mandato nito na subaybayan ang mga lokal na pamahalaan at siguruhing ligtas ang buhay at ari-arian ng mga Pilipino, saan man sila nakatira at sino man ang kanilang kinikilingan, kaibigan o kaaway.
Isa sa mga proyektong binanggit ng senador ang Sagana at Ligtas na Tubig Para sa Lahat (Salintubig), isang proyektong sinimulan noong 2011 ng dating kalihim ng DILG na si Jesse Robredo.
“Isang mahalagang pangangailangan para sa mga komunidad ang malinis na tubig at kailangang kasama ang bawat LGU sa pagtugon dito,” sabi ni Roxas.
Idinagdag pa ng kalihim na dahil maraming komunidad ang nananatiling walang supply ng sariwang tubig para sa pang-araw-araw na gawain, malaki ang maitutulong ng proyektong ito. Para sa 2015, aabot ito ng P1.53 bilyon upang maabot ang may 89 lokalidad.
Ayon kay Roxas, sa kabila ng mga pasaring ng ilang sektor na bigyan na kulay politikal ang mga gawain ng DILG, sinikap nilang gampanan ang tungkulin para sa taong bayan sa panahon ng kalamidad at ng kaguluhan, sa pamamagitan ng mga proyekto at programa ng kagawaran.
“Makasisiguro po ang ating butihing senador na hindi nagpapabaya at walang pinipili sa paglilingkod ang DILG,” pagtitiyak ng kalihim.