NAGA CITY – Tinutugis ng mga awtoridad ang dalawang bakla na humalay sa dalawang menor de edad na lalaki sa Plaridel, Quezon.
Kinilala lamang ang mga suspek sa alyas na Gibo at Gab.
Sa nakalap na impormasyon, nabatid na nanonood ng disco party ang dalawang biktimang kinilala sa alyas Fred, 13, at Frank, 11, sa nasabing lugar.
Bigla na lamang lumapit ang dalawang suspek bago hinawakan at pinisil ni Gibo ang maselang bahagi ng katawan ng biktimang si Fred.
Hindi pa nakontento at niyaya ang dalawang menor de edad na pumunta sa tabing dagat ngunit tumanggi ang mga biktima dahilan para takutin at pwersahang dalhin sa lugar.
Pagdating sa tabing dagat ay pinaghubad ng mga suspek ang mga biktima at doon tuluyang minolestiya.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 7610 o protection against child abuse, exploitation and discrimination ang mga suspek.