INABISOHAN kahapon ng mga organizer ng First Quezon City International Marathon-Night Run ang mga motorista hinggil sa mga isasarang lansangan sa Nobyembre 29, 2014 – mula 12 ng tanghali hanggang 12 ng hatinggabi – upang bigyang daan ang engrandeng running event.
Kabilang sa mga isasara ay:
– Inner lanes ng westbound at eastbound direction ng Quezon Avenue, mula Sto. Domingo Church hanggang Elliptical Road.
– Inner lanes ng westbound at eastbound direction ng Commonwealth Avenue, mula Elliptical Road hanggang Puregold Supermarket, pagkalampas sa Tandang Sora flyover.
“Bilang pagpapatuloy ng tradisyon, isasagawa ang race sa Quezon Memorial Circle – ang bantayog ng ama ng siyudad na si Manuel Luis Quezon, Pangulo ng Republic of the Philippine Commonwealth. Mula doon, magtutungo ang mga runner sa Quezon Avenue at Commonwealth Avenue bago bumalik sa QMC,” ayon kay Mayor Herbert Bautista.
Ang first QCIM Night Run ay bahagi ng selebrasyon ng ika-75 anibersaryo ng Quezon City. Binibigyang halaga ng okasyon ang hindi mapapantayang dedikasyon mg mga doktor, nurse at volunteer sa pagsusulong ng kampanya laban sa HIV/AIDS.
Target din ng mga organizer na palawakin ang kaalaman ng mga mamamayan hinggil sa climate change at network sa pagsusulong ng climate change program ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Inaasahang makikibahagi ang mga establisimiyento sa Quezon Avenue at Commonwealth Avenue upang painitin pa ang “street party” celebration kasama ang mga pangunahing DJ at mga host na sina Papa Jack at Nicole kasabay ng bonggang pagpapailaw ng 2nd Christmas Lights at Soundshow.
Isasagawa ang night run sa pakikipagtulungan ng ABS-CBN, ANC, Inquirer.net, Business World, 101.1 Yes FM, 96.3 Easy Rock, 99.5 Play FM, DDBS Advertising, PinoyFitness.com, Toyota, Aquabest, Fisher Mall, STI College, Max’s, McDonalds, Nutribar, KFC, Jollibee, BalaiPandesal, Wacoal, Schick, EnervonActiv, Booster C, RUNNR, Toby’s Sports, Brooks, at GU Gel. (DG)