ni Danny Vibas
ISINUSULAT namin ito’y nakatakdang gawin ang palabas ni Vince Tanada sa Smart Araneta Coliseum. Kaya mahuhusgahan na kung sikat na sikat nga ba talaga ang bold actor-director-playwright at ang kanyang Philippine Stagers Foundation (PSF). Mapupuno kaya nila o makakalahati man lang, ang Smart Araneta Coliseum?
Isang professional theater company ang PSF, gaya ng Gantimpala Productions, Repertory Philippines, at Philippine Educational TheaterAssociation (PETA), pero mukhang sila ang kauna-umahang kompanya na magtatanghal sa Big Dome na ang seating capacity ay lagpas sa 10,000.
Actually, concert ang itatanghal ng PSF, hindi drama at hindi rin isang musical play na pangkaraniwan na nilang itinatanghal sa malalaking auditorium ng mga eskuwelahan o sa isa sa mga sinehan ng SM City sa West Avenue.
Feeling ni Vince ay sikat na siya at ang PSF dahil noong nakaraang season nila ay nagkaroon sila ng 418 na pagtatanghal ng musical na Bonifacio. Wala pa raw theater company na nakagawa niyo. Kaya heto, waka silang takot na magtanghal sa Big Dome.
Halos 90 porsiyento ng mga aktor at aktres ng PSF ay mga kabataan na napakatalentado. Mahuhusay naman talaga silang sumayaw, umawit, at umarte. Ilan sa kanila ay maaaring maging isang Vincent Tañada rin na isang abogado na mahusay umarte, sumayaw, kumanta, magsulat, magdirehe, at mag-produce. Parang si Vincent pa lang ang nakilala namin na may ganoong kakayahan.