PANSAMANTALANG paralisado ang operasyon sa tanggapan ng Station Investigation Detective & Management Branch (IDMB), Intelligence Unit, at Follow-up Operation Unit ng Pasay City Police bunsod nang matinding baho dahil sa umapaw na tubig sa baradong pozo negro.
Halos hindi makapagtrabaho ang karamihan ng pulis dahil hindi nila makayanan ang nakasusulasok na amoy nang umapaw ang naninilaw na tubig mula sa baradong pozo negro na kumalat sa baldosa ng kanilang tanggapan.
Sinabi ni Chief Inspector Joey Goforth, hepe ng SIDMB, ilan sa kanyang mga tauhan ang hindi na matagalan ang mabahong amoy at posibleng magkasakit sila.
Dagdag ni Goforth, imbes makapagtrabaho nang maayos, napipilitan silang umalis nang maaga bagama’t hindi pa tapos ang kanilang trabaho.
Maging ang mga nagsasampa ng reklamo ay hindi matagalan ang amoy na umaalingasaw.
Hindi na rin makapasok sa loob ng kanyang tanggapan ang hepe ng Intelligence Unit na si Inspector Aurelio Domingo.
Nanawagan ang mga tauhan ng Pasay City Police kay Pasay City Mayor Antonino Calixto na aksiyonan ang kanilang nararanasan sa loob ng kanilang tanggapan at kung maaari ay pasyalan sila ng alkalde para malaman ang kanilang problema.
Jaja Garcia