SUNTOK sa buwan ang pinapangarap ni Senador Bongbong Marcos na pakikipagkasundo sa pamilya Aquino partikular kay Pangulong Noynoy, kaisa-isang anak na lalaki ni Tita Cory at Ninoy.
Ito ang katotohanang dapat nang tanggapin ng sambayanan at ng mga Marcos dahil hindi ordinaryong kasalanan ng bawat isang pamilya sa isa’t isa.
Sa parte ng mga Aquino, buhay ang naging kapalit ng panggigipit ng sinasabing author ng Martial Law sa mga Aquino habang sa mga Marcos naman ay habang buhay na pagkasira ng pangalan at kahihiyan hindi lamang sa ‘Pinas kung hindi sa buong mundo ang ginawa ng ama ni PNoy.
Bukod pa sa naturang kasalanan ng bawat isang pamilya, hindi rin maitatanggi na marami-raming tao na supporter ng dalawang angkan ang nadamay sa nasabing sigalot at ‘yung iba pa nga ay nagbuwis ng buhay.
Sabi nga ni Press Secretary Sonny Coloma, kapakanan ng mga biktima ng batas militar ang ipinaglalaban ng mga Aquino kaya’t malabong magkaroon ng katuparan ang pinapangarap na pagbabati.
Malinaw din na madaling sabihin ang pagbabati pero ang katotohanan ay pareho namang may angking galit pa ang bawat miyembro ng kanya-kanyang pamilya sa bawat isa.
Naniniwala rin ang mga nagmamasid na may halong politika ang pagpapalutang ng rekonsilyasyon dahil isang taon na lamang mahigit ay halalan na naman.
Si Bongbong Marcos ay isa sa mga ikinokonsiderang pwedeng lumahok sa halalang pampanguluhan at sinasabing may malakas pang hatak sa madla dahil mas naging mabuti raw ang pamamalakad sa Pilipinas bukod pa sa magaan ang buhay noong panahon ni Apo Marcos.
Mabigat ang tatahaking landas ng pagbabati kaya’t mananatili na lamang itong pangarap ng mga naghahangad dahil ang dalawang pamilyang kasali sa usapin ay parehong hindi sinsero sa tunay na pagtatagumpay nito.
Alvin Feliciano