LIMANG major awards ang nasungkit ng drama series na Ikaw Lamang ng ABS CBN sa nagdaang 28th Star Awards For TV ng PMPC na ginanap last Sunday, November 22, sa Grand Ballroom ng Solaire Resort and Casino.
Dahil dito, puwedeng sabihing naka-Grand slam ang Ikaw Lamang dahil sa nakuha nitong five major awards. Kabilang sa mga parangal na nakuha ng Ikaw Lamang ay ang Best Drama Actor para kayCoco Martin at Best Drama Actress para kay Kim Chiu. Sina KC Concepcion at John Estrada naman ang itinanghal bilang Best Drama Supporting Actress at Best Drama Supporting Actor respectively.
Nang tanggapin ni Kim Chiu ang kanyang tropeo, hindi napigilan ng Kapamilya star ang maiyak sa sobrang katuwaan dahil pinapangarap daw niya talagang kilalanin ang kanyang talento sa pag-arte.
Bilang icing on the cake naman ‘ika nga, napanalunan din ng Ikaw Lamang ang Best Primetime TV Series ng gabing iyon. Hindi ako sure kung first time na nangyari ito, na na-sweep ng isang TV series ang lahat ng major awards na nominado sila. Pero ang sure ako, isang feat na maituturing ang nagawa ng TV program na ito mula sa Dreamscape Entertainment Television.
Ito rin ang grupong lumikha ng mga de-kalibre at top-rating TV masterpiece na gaya ng Walang Hanggan, Ina, Kapatid, Anak, Juan Dela Cruz, at ang seryeng namamayagpag ngayon sa ereng Bagito, na tinatampukan ng love team nina Nash Aguas at Alexa Ilacad.
Anyway, sa naturang okasyon din ay itinanghal ang ABS CBN bilang Best TV Station. Sa kabuuan, nakakuha ng 34 awards ang ABS-CBN, samantalang 12 tropeo naman ang GMA-7, anim sa GMA News TV, at lima naman sa TV5.
Samantala, congrats kay katotong Jun Reyes sa pagkapanalo ng alaga niyang si Manolo Pedrosapara sa kategoryang Best New Male Personality Award. Napanalunan ito ng dating Pinoy Big Brother All In housemate sa paglabas niya sa MMK episode na ginampanan niya si Hiro Mallari, ang boyfriend ng isa sa biktima ng Bulacan State University field trip tragedy.
Iginawad naman ang kauna-unahang German Moreno Power Tandem of the Year kina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla ng Master Showman na si Kuya Germs.
Congrats din sa aking paboritong si Jose Manalo na nagwagi ng Best Single Performance by an Actor award para sa pagganap niya sa Lenten Special presentation ng Eat Bulaga. Nag-tie sila rito ni Arjo Atayde para sa pagganap niya sa Maalaala Mo Kaya episode na pinamagatang Dos Por Dos.
Nagsilbing hosts sa naturang event sina Piolo Pascual, Kim Chiu, Enchong Dee, at Iza Calzado.
Mapapanood ang kabuuan ng 28th Star Awards for television sa ABS-CBN’s Sunday’s Best sa ika-30 ng Nobyembre, 2014, 11:00 ng gabi. Ito’y sa direksyon ni Arnel Natividad.
ni Nonie V. Nicasio