CAROLLING ang ginawa ng may 200 miyembro ng iba’t ibang grupo sa harap ng Korte Suprema para iapela ang agarang pagdedesisyon sa disqualification case na isinampa ni Atty. Alice Vidal laban sa napatalsik na Pangulo ng bansa at convicted plunderer na si Mayor Joseph Estrada.
Kabilang sa mga grupong nakilahok ang Kaisa sa Mabuting Pamamahala (KMP), Koalisyon ng Kabataan Kontra Korapsyon (KKKK), Coalition of Women Against Corruption (CoWAC) at Movement Against Corruptions (MAC).
Ang grupo ay nakasuot ng Santa hat at pinangungunahan sila ng isang Santa Claus habang inaawit ang sarili nilang version ng “Saming Bahay” na tinawag nilang, “Saming Korte Suprema.”
“Hiling namin sa Korte Suprema, kaso ni Erap desisyon na, huwag na sanang patagalin pa, upang hustisya ganap na maging pamasko na.”
“Ang sanhi po ng pagparito, hihingi po kami ng tulong, sa mga hurado ng Korte Suprema, diskwalipikasyon ni Erap ipasa na.”
“Wish namin desisyonan na, wish namin desisyonan na, wish namin desisyonan na ng Korte Suprema.”
Ayon Kay Ka Andoy Crispino, Secretary General ng KKK, dapat maglabas na ng desisyon ang Korte Suprema sa kaso ni Estrada bilang regalo sa taong bayan.
“Ang magandang pamasko ng Korte Suprema sa mga taga-Maynila at maging sa taumbayan ang pagpapalabas nila ng desisyon sa disqualification case laban kay Erap, at pagbibigay linaw sa mga taga-lungsod bago mag-Pasko,” giit ni Ka Andoy.
Naniniwala si Ka Andoy na umiiral pa rin ang hustisya sa bansa at susundin ng Korte Suprema ang mga nakasaad sa Saligang Batas.
Tiniyak ng mga grupong Mabuting Pamamahala (KMP), Koalisyon ng Kabataan Kontra Korapsyon (KKKK), Coalition of Women Against Corruption (CoWAC) at Movement Against Corruptions (MAC) na hindi sila titigil sa pagkalampag sa Korte Suprema hangga’t hindi naglalabas ng desisyon ang SC kahit pa abutin pa sila ng ilang taon.
Bong Son