ni Danny Vibas
PAREHO palang buntis ang magkapatid na Ara Mina at Christine Reyes. At parehong ring hindi kasal—at mukhang ‘di na makakasal, bagamat ipinagsasabi ni Christine na may balak silang magpakasal ng non-showbiz boyfriend n’yang foreigner (imported!).
Historic na may magkapatid na artistang nabuntis sa parehong taon. At parang mas historic na hindi sila kasal.
Actually, hindi naman problema na parang bigla silang nagdalantao at hindi kasal. Kahit mangyaring hindi suportahan ng mga nakabuntis sa kanila ang magiging anak nila, o maski ang panganganak nila (bayad sa ospital, doktor, pambili ng mga gamot). Parehong career woman ang magkapatid. Malamang na malaki na ang savings nila. At pagkapanganak nila, makababalik at makababalik sila sa showbiz. Kikita pa rin sila ng limpak-limpak.
Pero hindi sila dapat pamarisan. Hindi sila dapat tularan ng mga babaeng walang career o mababa lang ang kita. Kasal man o hindi, parang hindi tama, hindi mabuti, na magkaanak ang mga babaeng wala namang pinagkalakitaan na puwedeng ipambuhay sa anak sakaling iwanan siya ng lalaki n’ya.
Mas maige na talaga na may sapat na kita, kundi man sapat na ipon ang isang babae bago siya magkaanak. ‘Pag may sarili siyang pera, pwede n’yang iwan ang lalaki n’ya at dalhin ang anak n’ya na wala pang seven years old, at itaguyod ‘yon bilang single parent.
Ganoon sina Vina Morales, LJ Reyes, Sunshine Cruz, Jennyly Mercado, Janice de Belan, Jaclyn Jose, at iba pang aktres na hindi nagdedepende sa mga mister o boyfriend na iniwan nila. Hindi sila kinailangang magpakamartir sa mga mister o boyfriend nila.