UMANGAL ang isa sa author ng Freedom of Information Bill (FOI) Bill na si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares dahil nagmukhang ‘BUNGAL’ ang orihinal na draft ng nasabing panukala.
Ang FOI ay naglalayong suhayan ang integridad at transparency ng isang pamahalaan lalo na kung nagsasabi ang isang administrasyon na tuwid ang kanilang daan.
Pero sa realidad ‘e maraming pinagtatakpan.
Ayon mismo kay Rep. Colmenares, ultimo ‘yung pagkuha lang ng statement of asset, liabilities and net worth (SALN) ay mukhang hindi na-bigyan ng importansiya sa FOI.
Marami umanong tinanggal na provisions sa orihinal na FOI pabor sa public officials.
Anila, gusto nilang maging bukas ang SALN ng public officials sa publiko pero gusto ng committee na panatilihin ang mga restriksiyon at limitasyon.
Malinaw ang pahayag ni Rep. Colmenares, “Ano ba ang ikinatatakot ng Aquino administration sa isang tunay na FOI bill? Ang hinihingi lang ng taong bayan ay mapadali ang access sa impormasyon lalo na sa SALN ng mga politiko. Pero sa bersyong ito ng FOI ay lalo pang papahirapan, itaga man sa bato. Marahil ayaw ng mga nasa poder ngayon na mailantad ang mga katiwalian nila kaya pinahihirapan na ang pagkuha ng impormasyon ngayon.”
Matindi nga naman ang ipinaglaban nila noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroy0 lalo na sa kainitan ng NBN-ZTE deal tapos ngayon bigla na lamang mapupurol ang FOI?
Aba ‘e mabuti pang huwag nang ipasa ‘yan kung papabor lang ‘yan sa administrasyon!
Ano sa palagay ninyo, Rep. Colmenares?!