PAKIKISALO sa Alaska Milk sa itaas ng standings ang hangad ng San Miguel Beer sa pakikipaghamok kontra Globalpot sa PBA Philippine Cup mamayang 4:15 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Ikaapat na sunod na panalo naman ang Target ng Rain Or Shine kontra NLEX sa ikalawang laro sa ganap na 7 pm.
Ang Beermen at may 6-1 record matapos magposte ng panalo kontra NLEX (79-76), Barangay Ginebra (79-77) at Kia Sorento (90-74).
Galing naman ang Globalport sa 87-84 pagkatalo sa Alaska Milk sa kanilang out-of-town game sa Xavier gym sa Cagayan de Oro City noong Sabado para bumagsak sa 4-4.
Ang reigning Most Valuable Player na si JuneMar Fajardo ang main man ng Beermen. Laban sa Kia, si Fajardo ay nagtala ng career-high 36 puntos at 17 rebounds para sa kanyang ikapitong doube-double sa sindaming laro.
Si Fajardo ay sinusuportahan nina Arwind Santos, Chris Lutz, Marcio Lassiter at Solomon Mercado.
Ang Globalport ay sumasandig sa mga guwardiyang sina Alex Cabagnot, Terrence Romeo at top draft pick Stanley Pringle.
Ang Rain Or Shine ay hindi na natalo mula nang yumuko sa Talk N Text (99-76) noong Nobyembre 2.
Matapos ang kabiguang iyon ay sinabi ni coach Joseller “Yeng” Guiao na hindi siya mangingiming i-trade ang ilang manlalaro kung magpapatuloy ang kanilang pagsadsad. Rumesponde ang kanyang mga bata at nagwagi sila laban sa Barako Bull (81-71), Globalport (86-83) at Meralco (107-79) para sa kartang 5-2.
Napatid naman ang three-game losing skid ng NLEX nang hiyain nito ang Barangay Ginebra, 109-99 noong Biyernes sa Antipolo City. Gumawa si Paul Asi Taulava ng 24 puntos at sampung rebounds upang tulungan ang Road Warriors na maiposte ang ikatlong panalo sa pitong laro.
ni Sabrina Pascua