BUKOD kay eight-division world champion Manny Pacquiao, nanggulpi rin ang isa pang matikas na bagong alaga ni Freddie Roach na si two-time Olympic Gold medalist Shou Shiming noong Linggo.
Bago binugbog ni Pacquiao si Chris Algieri at talunin via unanimous decision ay nanaig din ang pambato ng China na si Shiming laban sa ka look-alike ni Pacman na si Kwanpichit OnesongchaiGym ng Thailand sa kanilang 12 round flyweight bout.
Hindi naging madali ang pagsungkit ni 33-year old Shiming sa malinis na six wins at isang knockout na ginanap sa Venetian Macao in Macau, China.
Nanaig si Shiming via unanimous decision, 120-103, 119-106 at 119-106 pero basag ang kanyang mukha nang tamaan siya ng suntok ni OnesongchaiGym at disgrasyang ma-head butt sa early rounds.
Tulo ang dugo sa mukha ni Shiming subalit hindi sapat para itigil ang laban.
Pinabagsak ni Shiming si OnesongchaiGym ng dalawang beses sa round two, una ay sa 1:09 mark, sumunod ay sa huling 30 segundo sa nasabing round.
Ipinakita ng dalawang boksingero ang tibay nila sa laban dahil kahit uuga-uga ang tuhod ng Thai boxer ay sige pa rin ito sa pag-atake habang si Shiming ay pilit na sinasayawan ang kalaban kahit magang-maga na ang kilay at mata nito.
Tinigil ng referee ang laban sa round six para bawasan ng puntos si OnesongchaiGym dahil sa low blows.
Natamo ni OnesongchaiGym ang unang kabiguan.
May kartang 27 wins, 1 loss at 12 KO na si OnesongchaiGym.
Samantala, tagumpay na nadepensahan ni featherweight champion Vasyl Lomachenko ng Ukraine ang kanyang titulo matapos payukuin si Chonlatarn Piriyapinyo ng Thailand.
Kinaldag ni Lomachenko si Piriyapinyo via unanimous decision, 120-107, 120-107, 120-107 sa kanilang WBO 126 pound title para ilista ang three-wins at isang talo.
(ARABELA PRINCESS DAWA)