NAKALIGTAS SI NANAY MONANG SA MGA KABARANGAY PERO UMAYAW NANG INAYANG MAGPADOKTOR
“Di po ba’t nu’ng gabing maganap ang sinasabi n’yong paglapa ng aswang sa mga alaga n’yong hayop ay ‘di naman kabilugan ng buwan? Paano po ‘yan?” pagtatanong pa ni Gabriel sa matandang lalaki.
Natigilan ang kausap ng aking nobyo. Isa man sa mga naroroon ay wala na na-mang nakakibo.
Napansin kong nagsalubong ang mga kilay ni Tserman na tila nagugulumiha-nan. Pamaya-maya, sinenyasan niya ang mga tanod na magsipanaog na sa aming bahay.
“Talasan na lang n’yo ang pakiramdam sa pagroronda sa gabi,” aniya sa mga kalalakihang de-batuta.
“Tutuloy na po kami… Pasensiya na po sa abala,” sabi niya kay Nanay Monang.
Pagkaalis na pagkaalis ni Tserman at ng mga tanod ay iminungkahi ni Gabriel na dapat kong ipagamot si Inay.
“Sasamahan ko po kayo sa ospital sa kabisera,” baling niya sa nanay ko.
“Ayoko!” tanggi ni Inay.
“Kung ayaw po n’yo sa ospital, e du’n ko na lang po kayo dadalhin sa kakilala kong mahusay na herbalista,” pangu-ngumbinsi pa ni Gabriel.
Mas malakas na “ayoko!” ang sabi ni Inay sa pag-iling.
“Pagamot ka na po para gumaling ka,” alo ko kay Nanay Monang.
“Ayoko sabi, e…” pandidilat sa akin ni Inay.
“B-bakit naman po?” tanong ko.
Ibinulong sa akin ni Inay: “Mabibisto ng doktor o ng herbalista na aswang ako…”
Napaangat ang mukha ko. Hindi ko ina-asahan na iyon ang ikakatuwiran sa akin ng nanay ko. “Kapag ineksamin kasi ang mga mata ko, makikita sa itim ng bilog sa aking mga mata na pabaligtad ang anyo ng tao sa repleksi-yon n’yon… Gano’n ang mga mata ng aswang na tulad ko,” sabi pa ni Inay sa akin. Hindi namin napilit ni Gabriel si Nanay Monang na magpagamot sa doktor o herbalista. (Itutuloy)
ni Rey Atalia