Oo nga, base rin sa pahayag ni Vice Governor Mark Leviste na mahirap pantayan ang achievements ni Ate Vi sa lalawigan ng Batangas dahil sobrang hands-on daw siya sa lahat at diretsong makipag-usap at walang paligoy-ligoy.
Kaya pala muling pinababalik si Governor Vilma sa bayan ng Lipa City para muling mamuno bagay na kinompirma naman ng gobernadora.
Pero hindi pa nga niya tiyak at wala pa sa plano niya ang 2016 elections dahil gusto raw muna niyang magbalik sa industriyang kinamulatan niya.
In fairness, walang masasabi ang lahat ng namumuno ng bawat bayan ng Batangas dahil lahat ng project nila ay suportado ni Governor Vilma katulad nitong darating na Ala Eh! Festival sa Taal na magsisimula sa Disyembre 1-8, 2014.
Isang liggong selebrasyon ito para sa mga taga-Batangas na uumpisahan ng Fun Run ng 5:00 a.m. sa December 1. May trade fair, agri fair, photo exhibit at may street party sa Marcella Agoncillo Street na magsisimula ng 4:00 p.m..
May pakontes din para sa Mutya ng Taal, Taaleno Ang Galing Mo! na gaganapin sa Disyembre 2 at 3 at ang coronation night ay sa Disyembre 5 sa Taal Plaza na magkakaroon din ng maraming showbiz celebrities bilang panauhin at ang inaabangang grand finals ng Voices, Songs and Rhythms na gaganapin sa Disyembre 7, 7:00 p.m. at sa Disyembre 8 ay may Eucharistic celebration sa Basilica of St. Martin de Tours, 7:00 a.m. na susundan ng street dance at float parade patungong Taal Park na gaganapin ang festival dance competition.
Kaya inaanyayahan nina Governor Vilma at Vice Governor Leviste kasama na si Taal Mayor Michael Montenegro ang lahat ng kababayan na makiisa sa selebrasyon ng Ala Eh! Festival at tiyak na mage-enjoy ang lahat.
ni Reggee Bonoan