MULING magdaraos ng laro ang Philippine Basketball Association Philippine Cup sa araw ng Pasko, Disyembre 25, sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa iskedyul na inilabas ng PBA tungkol sa playoffs kahapon, isang laro sa best-of-seven semis ay gagawin sa MOA simula alas-4:15 ng hapon.
Mula pa noong 2012 ay nagdaraos ng laro ang PBA sa MOA tuwing Pasko dahil ang Smart Araneta Coliseum ay ginagamit sa taunang Disney on Ice para sa mga kabataan.
Nagsimula noong 2002 ang taunang laro ng PBA tuwing Pasko kung saan tinalo ng Coca-Cola ang Alaska para makamit ang titulo sa Philippine Cup.
Sa ilalim din ng iskedyul, magsisimula ang unang phase ng quarterfinals sa Disyembre 11 sa Cuneta Astrodome at Disyembre 12 sa Ynares Center sa Antipolo.
Ang ikalawang phase ng quarters ay mula Disyembre 14 hanggang 16 at ang semis ay magsisimula sa Disyembre 18 kung saan tig-isang laro ay gagawin araw-araw.
Walang laro sa bisperas ng Pasko, Disyembre 24 at magkakaroon ng mahabang break ang PBA mula Disyembre 29 hanggang Enero 3, 2015.
Balik-aksyon ang liga sa Enero 4 at ang best-of-seven finals ay magsisimula sa Enero 9 hanggang 23 kung tatagal ang serye ng pitong laro.
(James Ty III)